12,076 total views
Binigyang diin ng Diyosesis ng San Carlos sa Negros Occidental na walang katumbas na halaga ang boto ng bawat isa sa nalalapit na halalan sa bansa.
Sa ibinahaging mensahe ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza mula sa San Carlos Borromeo Cathedral Parish kaugnay sa nalalapit na 2025 Midterm National and Local Elections ay binigyang diin ng Obispo ang kasagraduhan ng boto ng bawat mamamayan.
Ayon sa Obispo na siya ring vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, nakasalalay sa boto ng bawat isa ang kinabukasan ng lahat at ng buong bansa kaya naman mahalaga ang pagpili sa mga kandidatong may tunay na may katapatan at intensyong maglikod ng tapat sa taumbayan.
“Ang imong boto sagrado, nakasalalay niini kaugmaon mo, ug kaugmaon ko! [Ang iyong boto sagrado, nakasalalay dito ang kinabukasan mo, at kinabukasan ko!] This coming National and Local Elections, choose leaders who are honest and ready to serve.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Alminaza.
Muli namang pinaalala ng diyosesis ang patuloy na panawagan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa pagkakaroon ng isang ganap na CHAMP Elections o Clean, Honest, Accurate, Meaningful, and Peaceful elections.
Paliwanag ng Obispo, bilang Kristiyano ay marapat lamang na manindigan at makialam ang bawat isa sa kung sino ang mga karapat-dapat na mailuklok at mamahala sa bansa.
“The Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) continues its call for CHAMP: Clean, Honest, Accurate, Meaningful, and Peaceful elections! You are a Christian, so take a stand and care!” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Matatandaang suportado ng PPCRV na pangunahing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan sa bansa ang bagong tatag na Committee against Vote-Buying and Vote Selling ng Commission on Elections (COMELEC) na layuning pangasiwaan ang pagwawaksi sa talamak na bilihan at bentahan ng boto tuwing panahon ng halalan sa Pilipinas.
Sa tala ng COMELEC nasa 18,280 na posisyon ang pagbobotohan sa darating na 2025 Midterm Elections, kabilang ang 12-senador, mga partylist representatives, congressional district representatives, governor, mayor, sangguniang bayan member at iba pa.