32,227 total views
May 13 milyong senior citizens (SC) at pitong milyong Persons with Dissabilities (PWDs) ang inaasahang benepisyaryo ng pinalawig ng 50 porsiyentong diskwento sa lahat ng mga tren sa Metro Manila.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Miyerkules ang paglulunsad ng 50% fare discount para sa senior citizens sa persons with disability sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Ginanap ang paglulunsad sa MRT-3 Santolan-Annapolis southbound station, kung saan kasama ng Pangulong Marcos sina Transportation Secretary Vince Dizon, MRT-3 general manager Michael Capati, at Presidential Communication Office (PCO) acting Secretary Dave Gomez.
“Kaya alam naman natin…iyan mga grupong iyan, mga estudyante, PWDs, mga senior citizens, ay talaga naman kailangan ng tulong natin dahil very limited ang kanilang income,” ayon kay Marcos.
Una na ring inilunsad ng pamahalaan noong Hunyo ang 50 porsiyentong diskwento sa pasahe sa mga mag-aaral, bilang pagtugon sa direktiba ng Pangulo na pagaanin ang pasanin ng mga commuter.
Ang inisyatibo ay karagdagang 30 porsiyentong diskwento mula sa dating umiiral na 20 porsiyentong discount sa pasahe o kabuuang 50 porsiyento, na maaring matanggap ng mga benepisyaryo sa tuwing sasakay ng tren.
Inanunsyo rin ng Pangulo ang paggamit ng mga karagdagang tren na una ng binili ng pamahalaan sa China 10 taon na ang nakalilipas o ang Dalian train.
“Gagawaan ng paraan para naman magamit dahil sampung taon nakaparada ito. hindi magamit. Ngunit ngayon, nagagamit na natin at iyan yung ite-testing natin ngayon araw,” ayon pa sa Pangulo.
Ito ay magiging karagdagang tatlong tren na may tatlong bagon, mula sa umiiral na 48.