165 total views
Hindi dapat na magtapos sa pagdarasal ang bahagi ng Simbahan sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa buong bansa.
Ayon kay ‘running priest’ Father Robert Reyes, matapos ang taimtim na pagdarasal at pag-aalay ng bayan sa Panginoon ay nararapat ring aktibong magkaisa ang buong Simbahan kabilang na ang lahat ng mga Obispo, religious at mga layko na manindigan at manawagan laban sa mga suliraning panlipunan na malaking banta sa kapayapaan at kapakanan ng taumbayan tulad ng extra judicial killings, pagbabalik ng death penalty at terorismo sa rehiyon ng Mindanao.
“Let us all now fall on our knees and pray and after praying let us all get together Bishops, Religious, Laity discern and ask ourselves how can we say the same thing with one voice and say that we are all for life we are all against extra judicial killings, against the death penalty and against artificial war or actual war that we are for peace they should galvanize the Catholic faithful, the Catholic hierarchy to unite and to form, and to rediscover the voice that we have lost…” pahayag ni Father Reyes sa panayam sa Radio Veritas.
Sinabi ng Pari na sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa bahagi ng Mindanao ay mas nararapat na magkaisa ang bawat mamamayan kabilang na ang Simbahan sa pagsusulong ng pangkabuuang interes ng mas nakararami.
Kaugnay nito, una nang inilunsad ng NASSA/Caritas Philippines ang isang malawakang Solidarity Appeal sa lahat ng 85-diyosesis sa buong bansa upang makapagpaabot ng tulong sa mga apektadong residente sa kasalukuyang kaguluhan sa Marawi City.
Una nang nagpaabot ng 300-libong pisong tulong pinansyal ang NASSA / Caritas Philippines at 500-libong piso naman ang Caritas Manila na kapwa nagsisilbing bilang pangunahing social action arm ng Simbahang Katolika.