328 total views
Idineklara ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang Alay Kapwa Sunday sa ika-15 ng Nobyembre kasabay ng paggunita ng World Day of the Poor.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, tema ng World Day of the Poor ang ‘Stretch forth your hands to the Poor’.
Simula 2017 taunang ginugunita ang World Day of the Poor isang linggo bago ang Solemnity of Christ the King na ngayong taon ay nakatakda sa ika-22 ng Nobyembre.
“We commemorate this day of the Poor every year since 2017 which is set at the Sunday before the Solemnity of Christ the King which this year falls on November 22. This year, the World Day of the Poor has been declared by CBCP as Alay Kapwa Sunday,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 virus noong nagdaang Kwaresma ay hindi naisagawa ng Simbahan ang taunang programa na Alay Kapwa.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, ang Alay Kapwa program ng simbahan tuwing Semana Santa ay layuning makalikom ng pondo na inilalaan para sa pagtugon ng Simbahan sa posibleng bikitma ng iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo at lindol.
Giit ng Obispo, mahalaga ang pagtutulungan at sama-samang pagtugon ng lahat upang mabigyan ng tulong at pag-asa ang mga biktima ng kalamidad tulad nang nagdaang Super Typhoon Rolly na nanalasa sa Bicol region at mga karatig lalawigan noong Undas.
Apela ni Bishop Pabillo, nawa ay maging bukas-palad ang lahat para sa mga nangangailangan kung saan maaring magpaabot ng donasyon sa pamamagitan ng social action arm ng arkidiyosesis-ang Caritas Manila.
Inihayag rin ng Obispo na ilalaan ng mga Simbahan ang lahat ng koleksyon sa darating na ika-15 ng Nobyembre para sa programang Alay Kapwa.
“We were not able to have Alay Kapwa last Lenten season because of the lockdown so we do not have funds this year to respond to calamities and Typhoon Rolly had hit our country hard, so please be generous you can give donations to Caritas Manila, in our archdiocese Caritas Manila is the one in-charge of sending help to those who are in need in many part of the country or you can give to the Alay Kapwa collections in your parishes next week all our collections next week will go to Alay Kapwa.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Una ng nakalikom ng walong milyong piso ang Caritas Manila sa isinagawang Caritas Oplan Damayan Telethon 2020 para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Rolly sa Bicol Region at ilan pang lalawigan sa Luzon noong nakalipas na Undas.