15,728 total views
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya, lalo na ang kabataan, na gawing huwaran sina San Carlo Acutis at San Pier Giorgio Frassati bilang mga halimbawa ng kabanalan.
Sa ginanap na canonization rite noong Setyembre 7 sa Vatican, binigyang-diin ng Santo Papa na ang buhay ay hindi dapat sayangin sa mga walang kabuluhan kundi italaga para sa Panginoon.
“Dear friends, Saints Pier Giorgio Frassati and Carlo Acutis are an invitation to all of us, especially young people, not to squander our lives, but to direct them upwards and make them masterpieces,” ayon kay Pope Leo XIV.
Ibinahagi ng Santo Papa na parehong pinagyaman ng dalawang batang banal ang kanilang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagdalo sa Banal na Misa, taimtim na pananalangin, at higit sa lahat, ang Eucharistic Adoration. Hinihikayat niya ang kabataan na talikuran ang makamundong tukso at sundin ang atas ng Panginoon, tulad ng halimbawa nina San Francisco ng Assisi, San Agustin, at ng mga bagong santo.
Libu-libong peregrino ang dumalo sa canonization, kabilang ang pamilya ni Carlo Acutis na nagdala ng kanyang relic.
Si San Carlo Acutis ay ipinanganak sa London noong Mayo 3, 1991 ngunit lumaki sa Milan, Italya. Bata pa lamang, ipinakita na niya ang malalim na debosyon sa Diyos—araw-araw siyang nagsisimba, nagdarasal ng rosaryo, at may matinding pagmamahal sa Eukaristiya.
Gumamit siya ng teknolohiya upang ipalaganap ang pananampalataya, lalo na sa paglunsad ng Eucharistic Miracles website. Pumanaw siya noong Oktubre 12, 2006 sa edad na 15 dahil sa leukemia, at idineklarang beato noong 2020.
Si San Pier Giorgio Frassati naman ay isinilang sa Turin, Italya noong Abril 6, 1901.
Bagama’t mula sa mayamang pamilya, pinili niya ang payak na pamumuhay at masidhing pagtulong sa mahihirap. Aktibo rin siya sa Catholic Action at kilala bilang mahilig sa hiking at mountaineering, kung saan isinasama niya ang pananampalataya sa kalikasan.
Pumanaw siya noong 1924 sa edad na 24 dahil sa polio at idineklarang beato noong 1990 ni San Juan Pablo II, na tumawag sa kanya bilang “Man of the Beatitudes.”