184 total views
Abala na rin ang Ecology Ministry ng Archdiocese of Manila sa paghahanda may kaugnayan sa usapin ng climate change sa World Youth Day sa Krakow, Poland.
Ayon kay Lou Arsenio, coordinator ng Archdiocese of Manila Ecology Ministry na nasa Poland na ngayon, katuwang nila ang Africa sa programa hinggil sa Laudato Si ni Pope Francis sa pamamagitan ng mga exhibit at concerts sa nasabing pagtitipon may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan.
Dagdag ni Arsenio, kasama sila sa committee ng Global Catholic Climate Movement para maghanda sa usapin ng paghihikayat sa mga kabataan kung paano pangangalagaan ang kapaligiran.
“So we are preparing for the Laudato Si eco village where we are going to have the exhibit on different continents’ ecology programs and advocacies… tayo ang in charge ng exhibit as steering committee ng Global Catholic Climate Movement at the same time may mga concert at andito kami to prepare kasama ko 3 volunteers from the archdiocese at mula sa Africa.”
Nakatakda ang WYD mula July 25-31, 2016 sa Krakow Poland at ito ang ikatlong pagtitipon sa Central Europe.
Una nang inihayag ng CBCP Episcopal Commission on Youth na 100-percent ang ibibigay na partisipasyon ng mga kabataang Filipino na dadalo sa World Youth Day.
Kamakailan, nasa 85 WYD delegates ng Archdiocese of Manila ang na-delay sa kanilang flight matapos kanselahin ang kanilang connecting Turkish Airlines flight sa Warsaw bunsod na rin ng kudeta sa Turkey na agad namang natapos nang matalo ng tropa ng gobyerno ang mga nagtangkang pabagsakin ito kung saan halos 300 ang nasawi.
Ginanap sa Pilipinas ang WYD noong 1995 kung saan naitala sa kasaysayan na dito ang may pinaka-maraming dumalong kabataang delegado na humigit-kumulang limang milyon.