371 total views
Naghahanda na ang Arkidiyosesis ng Lipa kaugnay sa posibleng pagsabog ng bulkang Taal na nakapagtala ng 50-magkakasunod na mahihinang pagyanig noong Lunes.
Ayon kay Lipa Social Action Director Fr. Jayson Siapco, kanilang nakausap ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na ang naitalang mga pagyanig ay senyales na umaangat ang magma sa ilalim ng volcanic island.
“We’re actually expecting for the worst kasi kausap namin ‘yung PHIVOLCS. That’s a sign that magma is rising. Kasi ang nangyayari pala, ‘yung magma merong mga gases. Itinutulak ng gas na ito ang magma pataas sa crater… That gas makes the harmonic tremors,” bahagi ng pahayag ni Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayagt ni Fr. Siapco na magmula noong naganap ang phreatic eruption ng bulkan noong nakaraang taon ay hindi na sila tumigil sa pagtulong sa mga naapektuhan at paghahanda sa mga posibleng maganap sakaling sumabog ang bulkang Taal.
“So we’ll be ready with our stock piling of goods, etc. Kasi clear naman sa amin na Taal [volcano] has not erupted yet. Kumbaga ‘yung nangyari nung isang taon, sumingaw lang siya. Hindi pa talaga siya pumuputok ng talagang magmatic eruption.,” dagdag ng Pari.
Hiniling naman ng pari ang tulong at panalangin upang maipag-adya sa banta ng panganib na maaaring maidulot lalo’t higit sa lalawigan ng Batangas.
Pinaalalahanan naman ng PHIVOLCS ang publiko na ang bulkan ay kasalukuyang pa ring nasa Alert Level 1 dahil nakataas pa rin ang posibilidad ng biglaang steam-driven o phreatic explosions at pag-ulan ng abo mula sa main crater.
Matatandaang ika-12 ng Enero, 2020 nang magsimula ang phreatic eruption o ang pagbuga ng abo na walang kasamang magma mula sa bulkang Taal, kung saan naitala ng 100-metro ang taas ng ibinugang abo na umabot sa ilang mga karatig-lugar sa CALABARZON, Central Luzon at Metro Manila.