278 total views
Umapela ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa mamamayan na maging mapagbantay sa kalagayan at kapakanan ng bayan.
Ayon kay Dra. Marita Wasan–Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas (SLP) dapat na maging bukas ang kamalayan ng mga Filipino sa paraan ng pamamahala ng mga bagong halal na opisyal ng bayan upang maisulong ang kabutihan ng bansa at mapigilan ang pananamantala tulad na lamang ng pagsasantabi sa soberenya ng Pilipinas.
Giit ni Wasan, nakasalalay sa mga bagong halal na opisyal ang kinabukasan ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap na pinanghahawakan ang pangakong pagbabago at pag-unlad ng mga pulitiko.
“Tayo bilang layko ay dapat talaga na nakikinig, bukas ang mata, gising, huwag matulog, tingnan kung ano talaga ang makakabuti para sa bayan, bayan natin ito, sinasamantala na tayo, ‘yung ating soberenya, pinagsasamantalahan na yung mga mamamayan natin na nahihirapan although tingnan nating mabuti kasi nakataya dito yung kinabukasan ng mga mahihirap nating mga kababayan na siyang bumoto sa mga nahalal hindi ba so very ironic,” ang bahagi ng pahayag ni Wasan sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ni Wasan, walang ibang magmamahal at higit na magpapahalaga sa ating bayan kundi ang mamamayang Filipino.
Bilang mga Filipino ayon pa kay Wasan, hindi lamang dapat na isulong ng mga Katoliko ang mga usapin tungkol sa buhay tulad ng laban sa Reproductive Health Law at iba pang mga pro-life issues sa halip ay dapat na suriin ang pangkabuuang kalagayan at iba pang mga suliraning panlipunan sa bansa.
“Tingnan natin yung ating pagiging makabayan, pagtatanggol sa ating bansa, walang ibang magmamahal sa bayan natin kundi tayo,” ayon pa kay Wasan.
Umaasa ang Sangguniang Layko ng Pilipinas na maging mabuting mga lider at pinuno ng bayan ang may higit sa 18-libong mga bagong halal na opisyal ng bayan na iniluklok ng sambayanan sa katatapos lamang na midterm-elections.