279 total views
Panalangin para sa buong arkidiyosesis ng Maynila.
Nagpapasalamat at humihingi ng panalangin sa mananampalataya si Bishop Broderick Pabillo, ang bagong talagang administrador ng Archdiocese of Manila.
Si Bishop Pabillo ang pansamantalang kahalili ni Luis Antonio Cardinal Tagle na itinalaga naman ni Pope Francis bilang Prefect of the Congregation for Evangelization of Peoples sa Roma.
Pansamantalang pangangasiwaan ni Bishop Pabillo ang may apat na milyong katoliko ng arkidiyosesis na binubuo ng 86 na mga Parokya at higit sa 500 mga pari.
“Nagpapasalamat ako at humihingi ng dasal sa lahat. Dasal hindi lamang para sa akin kundi para sa ating archdiocese. At ito siguro ang paghahanda natin sa bagong archbishop natin ay isang paraan din ng ating pagbibigay ng pahalaga sa ating local na simbahan dito sa archdiocese of Manila,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ayon kay bishop Pabillo, pangunahing tungkuling bilang tagapangasiwa ay ang paghahanda sa mananampalataya at mga pari para sa pagdating ng bagong arsobispo.
“Mas maging conscious tayo sa ating pagiging simbahan. Patuloy lang po ang ating pagdarasal ang ating pagko-cooperate, at pagparticipate sa mga gawain ng archdiocese,” dagdag pa ng obispo.
Bukod sa pagiging administrador, si Bishop Pabillo rin ang kasalukuyang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity.
Sa kasalukuyan ay may anim na ‘sede vacante’ sa Pilipinas kabilang na ang arkidiyosesis ng Maynila, mga diyosesis ng Alaminos; San Jose, Mindoro; Apostolic Vicariates Jolo, Sulu; Taytay, Palawan at ang Nunciature.
“Ipagdasal natin yung pagpipili, kasi alam naman natin na ang mga obispo natin ay ibinibigay sa atin ng simbahan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Pamilya at Kabataan
Patuloy din ang paanyaya ni Bishop Pabillo sa mananampalataya na makiiisa sa taunang Walk for Life na gaganapin sa ika-15 ng Pebrero sa Quezon Memorial Circle na magsisimula alas-4 ng umaga.
Hinikayat din ni Bishop Pabillo ang bawat pamilyang Filipino na maging bahagi ng pagkilos kasama ang kanilang mga anak.
“Sana patuloy na hikayatin ang mga tao na dumalo lalu na sa panahon natin na may isyu tayo sa divorce, death penalty dapat ipakita natin sa buong bansa na nagkakaisa tayo dito na mayroong tayong force in numbers,” ayon sa obispo.
Sinabi ng Obispo na ito ay upang mamulat ang mga kabataan sa paninindigan para sa kahalagahan ng buhay mula sa paglilihi hanggang sa natural na kamatayan at maipakita sa buong bansa ang lakas ng pagkakaisa.
“Sana ang mga dadalo ay hindi lamang mga adults, pati ang mga bata-pwedeng dalhin ang mga bata, kabataan para ma-educate na rin silang manindigan para sa buhay,” paanyaya ni Bishop Pabillo.
Magsasagawa rin ng parehong pagkilos ang Archdiocese of Lingayen Dagupan, Archdiocese of Cagayan de Oro, Archdiocese of Palo, Diocese of Tarlac, at Archcdiocese of Cebu.
Sa Estados Unidos unang isinasagawa ang March for Life simula noong 1974 bilang pagtutol sa legalisasyon ng aborsyon.
Sa ginanap na March for Life nitong Enero, umaabot sa milyong katao ang dumalo sa pagtitipon kasama na si US President Donald Trump.