268 total views
Muling isinulong ng Caritas Manila ang plant based diet program bilang pagpapalakas sa resistensya ng pangangatawan ng tao at maiwasan ang pagkakasakit.
Ayon kay Reverend Father Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila, pangulo ng Radio Veritas 846 at tagapagsulong ng Kilusang Plant Based; mahalaga sa tao ang plant virus sapagkat makatutulong itong mapanatiling malakas ang immune system.
“Kumain tayo ng gulay sapagkat ang plant virus ay hindi nakasasama sa katawan ng tao kaya’t ‘yan ang payo natin, maging malusog tayo palagi kumain tayo ng gulay, humaba ang buhay at maging ligtas sa anumang uri ng virus,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng pari ay kasunod ng panawagan noon ng Department of Health na iwasan ang pagkain ng mga exotic na pagkain sapagkat ito ang itinuturong pinagmulan ng novel corona virus.
Bagamat nilinaw noon ng DOH na walang kumpirmasyon na nagmula ito sa hayop, mas mahalagang iwasan ang pagkain nito upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan.
Sang-ayon si Fr. Pascual na nakasasama sa kalusugan ang idudulot ng animal virus na makukuha sa pagkain ng mga hayop.
Magugunitang ang mga naunang corona virus tulad ng SARS ay nagmula sa civet cat habang ang EBOLA virus naman ay nagmula sa paniki at unggoy.
Tinukoy din ni Fr. Pascual na maging sa bibliya ay nasusulat ang pagkain ng gulay sa Genesis 1:30 na nagsasabing lahat ng mga luntiang halaman ay ipinagkakaloob ng Panginoon sa mga hayop sa ibabaw ng lupa, mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng nilalang na may buhay.
Sa pinakahuling tala ng World Health Organizations higit sa isanlibo na ang nasawi dahil sa NCoV habang halos 50-libo ang infected sa halos 30 mga bansa kabilang ang Pilipinas.