350 total views
June 12, 2020, 6:16PM
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na sariwain ang mga habilin ni Hesus sa mga apostoles sa huling hapunan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo.
Ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, chairman ng CBCP-Episcopal Commission for the Biblical Apostolate, nawa’y maisabuhay ng bawat mananampalataya ang halimbawa ni Hesus na nag-alay ng sariling buhay para sa sanlibutan.
Sa huling hapunan din naitatag ni Kristo ang Banal na Eukaristiya na ginugunita sa bawat oras ng buhay ng tao sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-alala sa kanyang habilin na ‘Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin’ kasabay ng paghahati ng tinapay.
Sinabi ng Obispo na ang bawat isa ay maging tinapay sa kanyang kapwa lalo na ngayong nahaharap sa krisis ang sanlibutan kung saan higit kinakailangan ang pagtutulungan at pagkakaisa.
“Kinakailangan ng mundo ngayon ang pagkakaisa at pagtutulungan, nawa’y we become bread broken to the people around us,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Ito rin ay paalala sa bawat isa na patatagin ang pananampalataya sapagkat dito napapaloob ang mga tagubilin ni Hesus.
Ipinaalala ng Obispo na isapuso si Hesus at gawing sentro sa bawat buhay upang magkaroon ng pagbubuklod-buklod sa pamayanan at matamo ang kapayapaan.
Inihayag ni Bishop Bancud na ipinagdiwang ang Banal na Eukaristiya para pag-alabin sa puso ng bawat mananampalataya ang mga salita ng Diyos na magsisilbing gabay at makatutulong sa pagtugon sa mga hamong kinakaharap ng lipunan at mundo.
Iginiit ng opisyal na kung paano nilalabanan ng mamamayan ang krisis na dulot ng pandemic COVID 19 ay magkaisa rin nawang labanan ang iba pang suliranin sa tulong ng Panginoong Hesus sa Banal na Eukaristiya.
“Kung itong pandemic na ito ng COVID-19 ay pinagsisikapan nating paglabanan upang malampasan; hari nawa itong mas masahol na pandemic ng korapsyon at karahasan ay atin ding mapagtagumpayan,” dagdag ni Bishop Bancud.
Umaasa rin ang obispo na kabilang din sa Congregation of the Blessed Sacrament na ang pagdiriwang ng Corpus Christi ay patuloy na magbibigay ng sigla at buhay na pag-asa na kasama ang Panginoong Hesus.