29,447 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mamamayan na iwaksi ang pagkakaiba-iba ng pananaw at magbuklod tungo sa mapayapang lipunan.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza nawa’y mangibabaw ang paggalang ng bawat isa sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ni Hesus at higit palalimin ang pakikipag-ugnayan bilang magkakapatid sa kristiyanong pamayanan.
“Sana nga we can go beyond differences and learn to respect one another, respect our own human dignity and human rights and try to build a society of justice and peace,” pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Sinabi naman ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad na pairalin ang diwa ng pagpapatawad sa pagdating ng Manunubos kasabay ang mga panalanging manatiling matatag.
Batid ng arsobispo ang mga hamong maaring kaharapin ng tao kaya’t mahalagang matutuhang ipagkatiwala sa Diyos ang araw-araw na pamumuhay.
“Let our hearts be filled with hope so that 2024 will truly be a year of God’s blessings to every Filipino. Have faith. Have Courage. Be strong as we struggle to face and move on 2024,” giit ni Archbishop Jumoad.
Paalala naman ni Dumaguete Bishop Julito Cortes na si Hesus ay nagkatawang tao upang maging liwanag sa buhay ng tao na pinadidilim ng mga pagsubok at suliranin.
“He shall be, for us, our light during moments of darkness, our stronghold during moments of temptation, our way in the many paths we shall walk in our lives,” ani Bishop Cortes.
Kinilala rin ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang katatagan ng mga Pilipino na sa kabila ng pagiging mahirap na batay sa survey ng Pulse Asia ay apat lamang sa sampung Pilipino ang naniniwalang masagana ang pasko.
“Nanatiling mahirap ang karamihan sa mga Filipinos pero nanatiling umaasa sapagkat pinanghahawakan ang tunay na kayamanan- ang matibay na pananampalataya sa Diyos. Panatilihin natin na si Kristo na pasilangin sa ating puso. Bigyan siya ng kalayaan na kumilos sa ating buhay. Ang batang Jesus ating Panginoon- ang ating tunay na yaman ng buhay,” saad ni Bishop Varquez.
Tinuran ng obispo na sa unang pasko ng pagsilang ni Hesus dalawang libong taon ang nakalilipas ay hindi masagana subalit napuspos ng kapayapaan at kagalakan ang bawat isa dahil sa liwanag at pag-asang dala ni Hesus na nagkatawang tao para makipamuhay sa sangkatauhan.