379 total views
Bukas ang Caritas Manila sa mga gustong maglingkod sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Grace Devara, Program Head ng Caritas Manila Institute for Servant Leadership and Stewardship o ISLAS, patuloy silang tumatanggap ng mga nais mag-volunteer sa kanilang mga Simbahan.
Ito ay bahagi ng paglilingkod ng nasabing social arm ng Archdiocese of Manila para sa mga mahihirap at nangangailangan lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.
Aminado si Devara na naapektuhan ang mobilization ng mga naglilingkod sa Simbahan dahil sa banta ng COVID-19 ngunit naniniwala ang Caritas Manila na hindi ito upang maipagtuloy ang kagustuhan na makapaglingkod sa kapwa.
“Simula ng nagkaroon ng mga Community Quarantine lalo na nung lockdown medyo nagkaroon ng kabawasan sa mobility ng mga volunteer pero dahil tayo ay Simbahan ng mahihirap hindi hadlang itong pandemya para patuloy tayong maglingkod sa kapwa.”pahayag ni Devara sa Radio Veritas
Matatandaang ang mga volunteers ng Caritas Manila ang nangasiwa sa on grounds distribution ng mahigit sa P1.3 bilyong piso halaga ng mga gift certificates sa gitna ng mga ipinatutupad na Community Quarantine.
Tinatayang nasa mahigit 1.3-milyong pamilya sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ang nabigyan ng tulong.
Umaasa si Devara na madadagdagan pa ang mahigit isang libong volunteers ng Caritas Manila sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga new normal guidelines upang matiyak din ang kaligtasan ng mga nais maglingkod.
“Sa ngayon naghahanap kami ng mga karagdagang lingkod para maging volunteer ng Caritas Manila in any area yan pwede kayong mag-volunteer at makipag-ugnayan sa amin. Basta po willing maglingkod sa ating kapwa at sa ating Panginoon very much welcome po kayo sa Caritas Manila”. pahayag ni Devara sa panayam ng Radyo Veritas.
Maaring din bisitahin ang facebook page ng ISLAS – Caritas Manila o tumawag sa 8 562 0020 to 25 loc 131 para sa mga interesado na maglingkod sa nasabing institusyon.