314 total views
Itinanggi ng opisyal ng Department of Environment and Natural Resources na hindi tumugon ang ahensya sa kinakaharap Coronavirus disease pandemic.
Sa programang Veritas Pilipinas, inihayag ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na hindi nagkulang ang ahensiya sa pagtulong sa mga apektado ng pandemya.
“Hindi totoo at mali ang sinasabi na hindi kami tumugon dito sa problema ng pandemic.” pahayag ni Antiporda sa panayam sa Veritas Pilipinas
Sinabi ni Antiporda na ang Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nag-utos sa ahensya na ibalik ang kanilang budget upang tugunan ang problema.
Ipinagmalaki ng opisyal na aabot sa halagang isang bilyon at limampu’t siyam na milyong piso ang pondong ibinigay ng DENR bukod pa ang 56-milyong piso na nabawas na nakalaang pondo ng ahensiya.
“Ang DENR ang nautusan ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magbalik ng pondo para tulungan ang pandemic funding na iligtas ang ating mga kababayan. Kaya’t immediately nagbigay kami ng one billion fifty-nine million [pesos] na pondo ng DENR. At the same time, fifty-six million ang binawas doon sa susunod naming budget,”pahayag ni Antiporda.
Bahagi ng ibinalik na pondo ng DENR ay inilaan sa kontrobersiyal na Manila Bay white sand beach project na may pondong aabot sa P389 million pesos.
Naunang sinabi ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na hindi naaangkop ang proyekto dahil sa dumaraming naghihirap, nagugutom at walang trabaho dulot ng pandemya.