272 total views
Nagbahagi ang Caritas Manila ng may 150 relief goods para sa mga residenteng nasunugan sa Brgy.387 sa lungsod ng Maynila.
Pinangunahan ni Rev.Fr. Ric Valencia, Priest Minister ng Caritas Damayan program ang isinagawang relief distribution kasama ang mga volunteers ng Caritas Manila sa nasabing lugar na kalapit lamang ng San Sebastian Parish Church.
Tinatayang umabot sa mahigit 170 pamilya ang nasunugan sa nasabing Barangay at kasalukuyang ngayong nanantili sa kalapit na basketball court.
Batay sa paunang imbestigasyon ang sunog na naganap noong ika-1 ng Marso ay nagmula sa sumabog na LPG tank matapos itong paputukan ng baril ng isang nag-aamok na residente matapos makipagtalo sa kanyang asawa.
Inihayag naman ni Caritas Damayan Program Manager Gilda Avedillo na ang pagtulong ng Caritas Manila sa mga nasunugan ay bahagi lamang ng misyon ng Simbahan na tumugon sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng mga ganitong uri ng insidinte.
“As the social arm of the Archdiocese of Manila, bahagi ng misyon natin na tumugon sa mga ganitong pangangailangan lalo na hindi biro yun pinsala sa buhay ng mga nasusunugan,we are here to extend our help but karagdagan lang ito sa kung ano ang tulong na ibibigay ng local government at local DSWD”pahayag ni Avedillo sa panayam ng Veritas 846.
Ginugunita ngayon buwan ng Marso sa bansa ang Fire Prevention Month.
Sa datos ng Bureau of Fire Protection noong taong 2015 ay umabot sa mahigit 17,000 ang kaso ng sunog ang naitala sa buong bansa kung saan 16 na porsyento rito o mahigit 2,800 kaso ay naganap sa buwan ng Marso kumpara noong 2014 na nasa mahigit 15,000 kaso.