12,517 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Caritas Philippines sa mga pamayanang naapektuhan ng malakas na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao, partikular sa Davao Oriental.
Ayon sa pahayag ng humanitarian arm ng CBCP, patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga diyosesis sa mga apektadong lugar upang matukoy ang agarang pangangailangan at mga posibleng tulong na maipagkakaloob.
“Our national team is closely monitoring the situation and coordinating with our partner dioceses in the affected areas to assess immediate needs and potential support interventions,” pahayag ng Caritas Philippines.
Hinimok ng Caritas Philippines ang publiko na manatiling alerto, unahin ang kaligtasan, at sama-samang manalangin para sa proteksyon at katatagan ng mga pamilyang nasalanta ng lindol.
Batay sa mga ulat, ilang tahanan, gusali, simbahan, at kalsada ang nagtamo ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng Davao Region matapos ang 7.6 magnitude na lindol na yumanig sa baybayin ng Davao Oriental.
Patuloy naman ang paalala ng PHIVOLCS sa publiko hinggil sa posibleng epekto ng mga aftershock at banta ng tsunami.
Para sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring makipag-ugnayan kina Caritas Philippines Executive Director Fr. Carmelo “Tito” Caluag, Humanitarian Program Head Jeanie Curiano, o Program Coordinator Ava Guardian.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang official Facebook page ng Caritas Philippines.