290 total views
May 29, 2020, 2:07
Umaapela ang opisyal ng Catholic Educational Association of the Philippines – National Capital Region sa mamamayan partikular sa mga guro na patuloy na maghanda at higit sa lahat manalangin sa ikaaayos ng sitwasyon.
Ayon kay Reverend Father Nolan Que, Ph.D, CEAP-NCR Trustee, marami sa mga guro ang nangangamba sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pahihintulutan ang pagbubukas ng klase hangga’t walang bakuna kontra COVID 19.
“I know that the recent pronouncement of the President made some of you anxious of the future of our schools. As stewards of Catholic schools, I am appealing to all of you to pray, plan, and prepare!,” pahayag ni Fr. Que.
Matatandaang kinatigan ni Department of Health Secretary Francisco Duque ang plano ng Department of Education na magbukas ng klase sa ika – 24 ng Agosto ngayong taon.
Nanindigan naman ang punong ehekutibo na hindi pa ito nararapat dahil sa kawalan ng gamot laban sa nakahahawang virus na patuloy na banta mamamayan sa buong daigdig.
Hinimok ng Barangay Simbayanan anchor priest ang lahat na ipanalangin ang mga lider ng pamahalaan lalo na ang mga namamahala sa sitwasyon ng bansa kaugnay sa pandemya na magabayan ng Banal na Espiritu sa pagdedesisyon.
“Pray that the leaders of our country be guided by the Holy Spirit in their decision making as they continue to steer us in this pandemic. May the Holy Spirit dawn upon their hearts and minds as we celebrate Pentecost Sunday on May 31,” dagdag ni Fr. Que.
Tiniyak ni Fr. Que na nakapagbalangkas na ng mga dapat gawin ang mahigit isandaang CEAP member school sa N-C-R kaugnay sa nararapat gawin sa pagbabalik ng klase ng mga estudyante batay na rin sa tinuran ng Catholic Educators Association.
“Plan the institutional continuity of our schools, bearing in mind the national framework set by the Catholic Educators Association of the Philippines. Adjust the framework according to your school’s current situation as necessary,” saad ng pari.
Paanyaya ni Fr. Que sa mga kawani ng paaralan na ipagpatuloy ang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase upang matiyak ang kaayusan lalo na sa online classes.
Matatandaang unang iminungkahi ang virtual classes sa mga estudyante upang matiyak na ligtas ang kalusugan ng mga kabataan mula sa COVID 19 at maiwasan ang pagtitipon ng mga kabataan lalo na sa pampublikong paaralan kung saan siksikan sa loob ng mga silid-aralan.
“Prepare for school opening for SY 2020-2021. Continue to promote Catholic education. Open our offices for inquiries and payments if the local government allows. Provide online enrollment forms and online payment schemes,” giit ng opisyal.
Binigyang diin ni Fr. Que na ito ang wastong panahon na maging handa at pasasailalim sa kanlugan ng Panginoon na muling nabuhay na nagsasabing hindi dapat nangangamba at natatakot ang sinuman.
Tiniyak ni Fr. Que sa kawani ng mga paaralan na nakikiisa ito sa krisis na kinakaharap at hinimok na magkakaisa upang mapagtagumpayan ang anumang kinakaharap dulot ng pandemic COVID 19.