222 total views
Tiniyak ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagdalo sa isasagawang hearing ng Senado kaugnay sa muling pagsusulong ng panukalang bitay ngayong 18th Congress.
Ayon kay Rudy Diamante, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, sisikapin nilang makumbinsi ang mga mambabatas na isantabi na ang panukala na hindi tugon sa mga nagaganap na krimen sa bansa.
“Bibigyan pa rin namin sila ng mga puwede naming gawin kung willing sila na kausapin kami, mag-aappear pa rin tayo doon sa kanilang hearings. Biro mo millions yang gagastusin na naman diyan,” ayon kay Diamante.
Inihayag ni Diamante na may labing pitong mambabatas ang pabor na isulong ang death penalty –na parusang ipapataw para sa mga drug traffickers.
“Meron ng labing pito na pabor diyan sa isulong only drug trafficking, kaya nga inilipat nila doon sa drug traffickers yung kanilang isinulong na batas para maaprubahan doon sa kongreso,” ayon kay Diamante na bahagi din ng Coalition Against Death Penalty.
Nangangamba rin si Diamante na maipasa ang panukala ng mga bagong halal na Senador na kilalang mga kaalyado at malapit sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Diamante na hindi hihinto ang simbahan para maibasura ang panukalang death penalty.
“But we will never stop!”pagtiyak ni Diamante
Ang panukalang bitay ay muling isumite nina Senators Emmanuel Pacquiao; Christopher Bong Go at Ronald dela Rosa laban sa mga karumal-dumal na krimen kabilang na ang drug trafficking.
Patuloy naman na naninindigan ang CBCP at Pro-life group na tutulan na maisabatas ang parusang bitay.
Bukod sa Pilipinas, may 170 bansa na sa buong mundo ang wala ng umiiral na ‘parusang kamatayan’.