41,055 total views
Naniniwala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mahalagang imulat ang kamalayan ng mga kabataan sa usapin ng pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Inihayag ni CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa naganap na pulong balitaan ng CBCP kaugnay sa posisyon at mensahe ng Kalipunan ng mga Obispo ng Pilipinas sa kontrobersyal na People’s Initiative on Charter Change.
Pinangunahan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang online press conference kasama sina Bishop Vergara at CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace Chairman, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang paggabay sa mga kabataan upang maging mulat at magkaroon ng sapat na kaalaman sa mga nagaganap sa bansa kung saan kinakailangan ang kanilang aktibong partisipasyon at pakikibahagi sa mga talakayan.
“Isa sa siguradong gagawin ng mga Obispo na ginawa ko na rin ngayon ay lalo na i-cascade ito sa ating mga young people, yung mga schools namin dito and were already doing it for circles of discernment kasi magandang may kamulatan, malaki ang role ng kabataan ngayon lalo na para mamulatan sa mga issue na ganito. Kasi alam naman natin kapag dumadating ang mga plebesito o kaya eleksyon ganyan, ay yung mga kabataan natin ay kailangan mulat sa mga kaganapan para mas maayos sa kanilang pag-iisip kung anong mga desisyon nila lalo na kung may kailangan at may hinihingi ang pamahalaan para sa mahahalagang issue.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Vergara.
Partikular namang pinuna ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang isinusulong ng mga Kongresista na magkasamang boboto ang Senado at Kongreso na isinasantabi ang umiiral na bicameral legislature sa bansa.
Iginiit ng Obispo na ang Kongreso at Senado ay magkapantay na sangay ng pamahalaan kaya hindi naaangkop ang ninanais ng mga Kongresista.
“Ang kanilang initiative – People’s Initiative to amend, tapos ang kauna-unahang item doon na gusto nilang idagdag ay ‘the Congress upon the vote of 3/4’s of its member voting jointly upon the call of the President of the Senate or the Speaker of the House of the Representatives’ parang napakasimpleng dagdag pero narinig na natin ang reaksyon mismo ng ating sariling Senado, it does not respect the Senate as a co-equal branch of government. Yun mismo ay isa ng probisyon na pagbabago na yun, parang huwag mong binabasta-basta kasi you are already behaving like you are in a unicameral legislature, bicameral tayo so ibig sabihin co-equal branch ang Senado [dapat] rerespetuhin ng Kongreso.”paglilinaw ni Bishop David
Unang isinapubliko ng CBCP ang pahayag sa People’s Initiative on Charter Change na may titulong “What is Good?” o “Ano ang Mabuti?” kung saan inihayag ng kalipunan ang planong pagsasagawa ng mga talakayan at pagpupulong upang magabayan ang mamamayan kaugnay sa usapin ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Nakapaloob sa CBCP statement na pagsusumikapan ng Simbahan na magabayan at mabuksan ang kamalayan ng bawat isa upang ganap na makapagdesisyon para sa ikabubuti ng buong bansa at ng kapakanan ng taumbayan.
Kaugnay nito, una na ding nagpalabas ng manifesto ang Senado hinggil sa mariing pagtutol sa People’s Initiative (PI) para sa Charter Change (Cha-cha) na naglalayong amyendahan ang 1987 Konstitusyon kung saan pinangangambahan ng mga Senador na maipasa ng pagbabago ng Konstitusyon at maisantabi ang kanilang 24 na boto kumpara sa mahigit 300 boto ng mga kongresista.