190 total views
Kumikilos na ang Catholic Relief Services o CRS para maipadala ang tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Batanes.
Ayon kay Arnaldo Arcadio, Emergency Program Manager ng CRS, target ng kanilang grupo na madala ang may 322 shelter kits at mga CGI sheets sa Itbayat Batanes ngayong linggo.
Unang nag-deploy ng team ang CRS sa Batanes isang linggo matapos ang pananalasa ng bagyong Ferdie upang magsagawa ng rapid assessment sa lugar.
“Respond kami for shelter sa Itbayat, 322 shelter and tool kits including CGI sheets,” mensahe ni Arcadio sa Damay Kapanalig Program ng Radio Veritas.
Sa mensaheng ipinadala ni Batanes Bishop Camilo Gregorio sa Radio Veritas, lubos silang nagpapasalamat at hindi na nagdulot ng ibayong pinsala ang bagyong Helen sa kanilang lalawigan bagamat hirap pa din sa pagbangon ang marami dahil sa kawalan ng sapat na mapagkukunan ng mga kagamitan sa pagpapatayo ng kanilang mga bahay.
Sa kasalukuyan ay hirap pa din ang komunikasyon, kuryente at transportasyon sa lugar dahil na rin sa pagdaan naman ng bagyong Helen.
Tiniyak ni Bishop Gregorio na kumikilos na ang Prelatura ng Batanes para makapagpadala ng assessment report sa mga insititusyon ng Simbahang Katolika na nais tumulong sa kanila.
“Wala naman naging epekto [Typhoon Helen] at all, very mild. We are slowly recovering. Wala pang electricity but we are surviving. Will report to NASSA and Caritas [Manila] as soon as flights resume,” mensahe ni Bishop Gregorio.
Magugunitang aabot sa 2,200 kabahayan sa Batanes ang nasira dahil sa pananalasa ng bagyong Ferdie.
Una namang nagpadala ng 200-libong pisong tulong sa Prelatura ng Batanes ang Archdiocese of Manila.