178 total views
Nakipagtulungan ang Department of Health (DOH) sa iba’t-ibang Faith based organizations upang palawakin ang kampanya ng ahensya kontra sa lamok na nagdadala ng Zika Virus.
Aminado si Health Assistant Secretary Eric Tayag na malaki ang gampanin ng mga religious organizations para mabigyang kaalaman ang publiko tungkol sa zika virus.
Natitiyak ni Tayag na sa pamamagitan ng tulong ng iba’t-ibang sekta ay mapaliliwanagan ang publiko sa tunay na hangarin ng DOH na protektahan ang komunidad laban sa mapanganib na karamdaman.
“Kayo po ang makakatulong sa amin para hindi tayo mapunta dun sa sexual transmission, kayo po ang makakatulong naming magpaliwanag upang hindi kami aakusahan na bahagi na naman ito ng family planning, yung RH Law na naman,” pahayag ni ASec. Tayag sa pulong ng mga Faith-based organizations.
Bukod sa kagat ng lamok, ang Zika Virus ay maaari ding maipasa ng isang lalaki sa kanyang asawa sa pamamagitan ng pakikipag-talik.
Dahil dito, isa sa mga payo ng Simbahan ang abstinence o pagliban sa pakikipagtalik sa loob nang anim na buwan habang kontaminado pa ng Zika Virus ang katawan ng lalaki.
Ayon sa World Health Organization, 73 mga bansa na ang nai-ulat na may kaso ng zika virus.
Sa Pilipinas naman ay nakapagtala na ng 12-kaso ng zika.
Una nang inihayag ni CBCP Permanent Committee on Public Affairs chairman Lipa Archbishop Ramon Arguelles na ang pinaka- mainam paring panlaban sa ganitong uri ng karamdaman ay ang pagpapanatili ng kalinisan upang walang maruming lugar na mapamahayan ang mga lamok na nagkakalat ng sakit.