16,860 total views
Idineklara ng Diyosesis ng San Pablo ang ika-25 ng Pebrero, 2025 bilang Day of Prayer for Pope Francis.
Batay sa tagubilin ni San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. ay iaalay ng buong diyosesis ang lahat ng mga isasagawang banal na misa at banal na oras sa mga parokya at religious communities ngayong araw para sa pananalangin sa paggaling ng punong pastol ng Simbahan.
Tinatawagan rin ng Obispo ang bawat mananamapalataya na ipanalangin sa mapagpahimala at mapagpagaling na Panginoon ang paghilom kay Pope Francis mula sa kanyang mga karamdaman.
“Upon the instruction of Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr, the Diocese of San Pablo has set February 25, 2025 (Tuesday) as a Day of Prayer for Pope Francis. Parishes and religious communities are asked to offer Mass and Holy Hour for the healing of the Holy Father. We join together as a local church to pray for our beloved “Lolo Kiko”.” Bahagi ng tagubilin ni Bishop Maralit.
Batay sa tagubilin ng Obispo, dadasalin ang ‘Panalangin para kay Papa Francisco’ bago o pagkatapos ang banal na misa.
Ito ang tugon ni Bishop Maralit kasunod ng panawagan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa pananalangin sa ganap na kagalingan ni Pope Francis.
Batay sa pinakahuling ulat ng Vatican patuloy ang gamutan at mga pagsusuri sa kalagayan ng 88-taong gulang na Santo Papa sa Agostino Gemelli University Polyclinic sa Roma habang patuloy na isinasailalim sa iba’t ibang diagnostic test upang matiyak ang paggaling mula sa respiratory infection na dahilan ng kanyang pagkakaospital noong ika-14 ng Pebrero, 2025.