281 total views
Maaring tumagal pa ang digmaan sa Marawi City sa pagitan ng Maute group at tropa ng pamahalaan.
Ito ayon kay University of the Philippines Professor Ramon Casiple sa kabila ng sinasabi ng mga militar na kakaunti na lamang ang mga miyembro ng Maute na nasa lungsod.
Ayon kay Casiple, ito na ang pinakadelikadong bahagi sa bakbaksan lalu’t hindi maaring gamitin ang mga malalakas na armas dahil kinakailangan bahay-bahayin ang mga kinaroroonan ng mga bandido.
Dagdag pa rito ang mga sibilyan na nanatiling nasa kanilang mga tahanan at hindi makalabas.
Dahil dito, hindi rin maiiwasan na madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi hangga’t hindi natatapos ang digmaan.
Samantala, nagpaabot ng pagsaludo at pagpupugay sa Armed Forces of the Philippines si Former National Security Adviser Roilo Golez sa patuloy na opensiba laban sa mga terorista sa Marawi City.
Ayon sa dating opisyal, malaki ang nagawa ng A-F-P para sugpuin ang Maute group.
Tiwala si Golez na tuluyang mababawi ng A-F-P ang Marawi bago mag-expired ang 60-day Martial law sa Mindanao.
Sa tala ng Armed Forces of the Philippines noong ika-23 ng Hunyo, umabot na sa 375 ang bilang ng mga nasawi sa gitna ng bakbakan.
Sa bilang na ito nasa 69-na mga sundalo at pulis ang nasawi, 26 na sibilyan habang 280 ang napatay sa panig ng teroristang grupo.
Nauna nang kinilala at pinanalangin ng Military Ordinariate of the Philippines ang mga maituturing na bayani na mga sundalo at pulis na namatay, sugatan at patuloy na lumaban para sa pangkabuuang kapayapaan ng buong Mindanao.
Sa mensahe ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, umaasa ito na mananatili pa rin ang kapayapaan sa pagitan ng Muslim at mga Kristiyano sa kabila ng paglusob ng mga bandido sa Muslim City ng Marawi lalut ang digmaan ay kapwa kinokondena ng mga tunay na Muslim at Kristiyano.