216 total views
Walang dapat na ipagbunyi sa desisyon ng Department of Justice (DoJ) sa pagsasantabi sa kasong sedisyon laban sa apat na obispo at ilan pang miyembro oposisyon.
Ito ang inihayag ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr.- na kabilang sa inakusahan kasama sina CBCP vice-president Kaloolan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco at Lingayen, Dagupan Archbishop Socrates Villegas.
Read: Kasong sedition laban sa mga matataas na opisyal ng CBCP, ibinasura ng DOJ
Paliwanag ng obispo, pawang mga gawa-gawa at bintang ang kaso na isinampa ng Philippine National Police (PNP) na ang tanging layunin ay takutin at patahimikin ang mga kritiko ng gobyerno.
“Kaya nung marinig ko yun (DOJ decision) well sabi ko salamat nalang ngunit that is long overdue dapat pa yan ay kahit na yung dalawang buwan lang pagkatapos nang magfile kami ng aming counter affidavit dapat nadesisyunan na yan,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Tiniyak din ng obispo na hindi mananahimik ang simbahan na punahin ang mga programa ng gobyerno na higit na magpapahirap sa sambayanan gayundin ang usapin ng mga pagpaslang o extra judicial killings (EJK).
“Ako, matapos lang talaga lumitaw lang at malaman lang ng lahat na kami ay talagang walang sala mula’t mula pa. Pwede lang namin talagang (kasuhan) ay si Bikoy (Peter Joemel Advincula) ng Perjury, idinemanda na siya ng Perjury ng ilan sa mga accused kaya hindi na ako dadagdag pa na magdemanda”.
Hindi naman kabilang sa mga inabsuwelto sina Fr. Albert Alejo SJ at Fr. Flavie Villanueva SVD gayundin si former Senator Antonio Trillanes IV.
Nanindigan naman si Bishop Bacani na pinaniwalaan nina Fr. Villanueva at Fr. Alejo si Advincula hindi para pabagsakin ang administrasyong Duterte kundi para isiwalat ang mga katiwaliang nangyayari sa gobyerno, war on drugs at matigil na ang walang habas na pagpatay.