347 total views
Inilunsad ng Diocese ng Novaliches ang programa na magbibigay ng pray over at counselling sa mga pasyenteng nagtataglay ng novel coronavirus.
Ito ay online apostolate na tinawag bilang E-Pray for Covid-19 patients. Ayon kay Fr. Luciano Felloni ng Diocese of Novaliches Communications Ministry at anchor priest ng Radio Veritas, ang proyekto ay upang maabot at matulungan ang mga may sakit sa kabila ng umiiral na community quarantine.
Hindi rin pinapayagan na lumabas ang mga pari na pumunta sa bahay ng may sakit at sa mga hospital upang magbigay ng sakramento.
”Maraming mga tao na may covid na nangangailangan ng panalangin, siyempre hindi tayo pinapayagan sa loob ng mga hospital at ng isolation centers. So, naisip po namin na i-organize ang isang hotline kung saan pwede silang tumawag, pray over and a priest will call back to the patient either by phone or messenger,” ayon kay Fr. Felloni sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Fr. Felloni-parish priest ng Kristong Hari sa Commonwealth Quezon City na sa tulong ng E-Pray, ang mga pari ay maaring magbigay ng kanilang oras sa pakikinig sa mga may sakit at ipagdasal sila gamit ang modernong pamamaraan ng pakikipag-ugnayan. Sa kasalukuyan ay may 35 mga pari at isang Obispo na ang nagvolunteer para sa proyekto.
“These are nationwide, one from New York and we have priest in Tarlac, Pampanga, in Negros, Bicol and in Metro Manila in different diocese and congregation. Nag-volunteer po itong mga pari kapag ang tao ay tumawag o nagmessage sa messenger, iiwan ang pangalan ng pasyente, contact number and a priest will call ang message you and will arrange a call and will pray over the patient,” ayon pa sa pari.
Sa mga nais na magpa-pray over ay maaring magpadala ng mensahe sa messenger ng E-Pray DioNova facebook page o magpadala ng text message sa 0995 041-7199 at ilagay ang pangalan, contact number at messenger ng pasyente. Ang Novaliches sa Quezon City ay bahagi ng NCR plus bubble kung saan umiiral ang enhance community quarantine na layuning mapabagal ang bilang ng mga nahahawaan ng sakit.