231 total views
Naniniwala si Rev.Fr. Ben Alforque,co-chair ng Promotions of Church People’s Response o PCPR, isa sa mga nakaranas ng karahasan noong panahon ng martial law na bagamat may ilan na nais maging tahimik lamang ang paggunita sa ika-31 People Power anniversary ay dapat pa ring maalaala ang kahulugan at tunay na diwa nito.
Iginiit ni Father Alforque na ang EDSA People Power ay hindi lamang isang personal experience kundi maituturing ito na isang national experience na nagpakita ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino laban sa diktadurya.
Aniya, bagamat hindi ganap na nakamit ang tagumpay mula sa EDSA People Power ay nangangahulugan ito ng pagpapatuloy at pagpupunyagi mula nasimulang karanasan ng pagkakaisa.
“Nirerecognize ko yun na may mga taong gusto nila quiet celebration kasi minsan ako sa aking birthday quiet celebration lang. Pero kaya lang ito ay isang national experience, it’s not a personal experience, it’s a experience of freedom bagamat hindi ganap yung nakamit, hindi talaga lahat-lahat pero napaalis ang isang diktador kahit papaano.”pahayag ni Fr. Alforque sa panayam ng Radyo Veritas.
Inahalintulad din ni Fr. Alforque ang paggunita sa EDSA People Power Revolution sa ating ginagawang paggunita sa banal na Eukaristiya kung saan ating inaalala ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo tuwing misa.
“Sinasabi nila na tahimik, ito ay isang pananaw, naintidihan ko pero hindi siya pananaw ng isang taong may pananampalataya…” “mawawalan tayo ng ating national experience ng passion of death and resurrection” giit pa ni Fr. Alforque.
Magugunitang una ng inihayag ng Malakanyang na hindi makakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng ika-31 EDSA People Power Revolution sa Camp Aguinaldo sa Biyernes.
Ang himpilan ng Radyo Veritas ang nagsilbing tinig ng mga kaganapan sa people power revolution partikular na nang manawagan si noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.