182 total views
Nanawagan si dating CBCP – president at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz kay Rodrigo Duterte na huwag gawing pulubi ang mga pensionado ng Social Security System.
Ginawa ng Arsobispo ang apela dahil sa patuloy na pagkaantala ng inaprubahang 2-libong pisong SSS pension hike para sa tinatayang 2-milyong pensioners dahil sa sinasabing re-computation at mga system requirements.
Naunang inihayag ni SSS chairman Amado Valdez na ibibigay ang isang libong pisong pension hike ngayong buwan ng Pebrero habang itatakda naman ang susunod na 1-libong pisong increase.
Ayon kay Archbishop Cruz, kailangan ng matinong economic planning at maisama sa konstitusyon ang hakbanging ito na makatutulong hindi lamang sa mga kasalukuyang pensioners kundi sa mga susunod pa rito.
“Limos dito, limos doon, bigay dito, bigay doon, hindi ginagawang constitutional halimbawa na lahat ng inyong sweldo ay itataas, bababa ang taxation, etc. Ang nangyari, abot dito, abot doon, konting bigay doon, konting bigay dito. Kaya hindi umuunlad ang ating bansa sapagkat ang kulang ay economic planning, wala sa plano.” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Batay sa record, nasa 11.5-milyon ang miyembro ng SSS habang nasa 2.5 milyon ang pensioners.
Sa social doctrine of the church, kinakailangang ang estado ay gumagawa ng mga programa na ang nakararami ang nakikinabang tulad ng mga mahihirap na pangunahing nagbibigay kita sa mga negosyo.