6,341 total views
Ang paggunita ng EDSA People Power Revolution ay isang patuloy na paalala sa kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat mamamayan para sa bayan.
Ito ang ibahagi ni Benedictine nun Sr. Mary John Mananzan, OSB – Director ng Institute of Women Studies of St. Scholastica’s College at Chairman Emeritus ng grupong Gabriela sa naganap na “VERITASAN sa EDSA Shrine” na may temang “WHY CELEBRATE EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION”.
Ayon sa Madre, isa sa mga pangunahing aral ng EDSA People Power Revolution ay ang malawak na posibilidad na naidudulot ng pagkakaisa ng bawat mamamayan para sa isang adhikain para sa bayan.
Ipinaliwanag ni sister Mananzan na ang pagkakaisa ng mamamayan sa EDSA ay nawakasan ang Martial Law sa bansa at napatalsik sa posisyon ang pangulong diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Pagbabahagi ni Sr. Mananzan, nawa ay patuloy na isapuso at isaisip ng mga Filipino magpahanggang sa ngayon na ang lahat ay posible kung magkakaisa lamang ang lahat para sa iisang adhikain para sa bayan.
“Sa akin ang lesson ng People Power kasi sa EDSA, kapag nagkakaisa kayo at meron kayong tinitingnan na goal ninyo may mangyayari. Napatalsik natin ang diktador noong EDSA because people where there and they had one goal na dapat matapos na yung Martial Law, so yun ang nangyari. So ngayon din dapat we have that kind of [thinking] na kapag tayo ay magkakaisa at we have one goal then we can do something about it.” pahayag ni Sr. Mananzan
Naniniwala naman si Former COMELEC Commissioner Atty. Rene Sarmiento na ang taunang paggunita ng EDSA People Power Revolution ay hindi lamang isang pagkakataon upang alalahanin ang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa kundi isang pagkakataon rin upang magkaroon ng ‘renewed commitment’ ang bawat isa sa pagsusulong ng kapayapaan at demokrasya ng bansa.
Partikular namang pinuna ni Sarmiento na isa rin sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution ang panukalang pag-amyenda ng Konstitusyon ng bansa kung saan bahagi ng panukala ang pagtatanggal at pagbabago ng ilan sa mga probisyon na nasasaad sa Saligang Batas.
Paliwanag ni Sarmiento, sadyang nakababahala ang nasabing panukala sapagkat marami sa mga probisyon nasa kasalukuyang Saligang Batas ang bunga ng naging matagumpay na EDSA People Power Revolution kung saan binibigyang diin ang kahalagahan ng mga salik sa demokrasa ng bansa.
“Ito [EDSA People Power Revolution] naman hindi lang day of remembrance but a day of renewed commitment. I think kapag nandiyan po ang EDSA I think we have to renew our commitment for freedom and democracy. Kaya nga po ito pong move to amend the Constitution yung Cha-Cha at alisin yung mga probation diyan medyo nakakabahala po yan, kasi po maraming probation diyan is a fruit or product of EDSA People Peaceful Power Revolution.” Ayon kay Former COMELEC Commissioner Rene Sarmiento.
Inilunsad ng Radio Veritas 846 at Archdiocesan Shrine of Mary, The Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine ang “VERITASAN sa EDSA Shrine” na may temang “WHY CELEBRATE EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION” bilang bahagi ng paggunita sa ika-37 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Pinangasiwaan ni Rev. Fr. Jerome Secillano, rector ng EDSA Shrine at executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs ang programa na nagsilbing host at moderator sa naganap na talakayan.