273 total views
Umaasa ang Diocese of Tandag na mas maraming oportunidad ang maipagkakaloob ngayon sa mga taga-Mindanao sa ilalim ng pamunuan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Tandag Social Action Director Fr. Antonio Galela, sa mga nagdaang Pangulo ng bansa ay hindi labis na nabigyan pansin ang pagpapa-unlad sa rehiyon ng Mindanao dahilan upang patuloy na lumaganap ang karahasan at kahirapan.
Aminado si Fr. Galela na dahil sa pamumuno ng isan rin taga-Mindanao na si Pangulong Duterte ay pagkakataon na para mabigyan pansin ang suliranin ng ilang mga napag-iwanan ng lalawigan.
“Hopefully mangyari yun, na maraming tulong para sa Mindanao kasi ilang Presidente na ang meron tayo sa Pilipinas pero sa lahat ng Presidente parang naiwan kami, walang pansin talaga ang mga nandito sa Mindanao,” Pahayag ni Fr. Galela sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Fr. Galela na laging bukas ang Simbahan para makipagtulungan sa Pamahalaan at isa aniya rito ay sa bahagi ng Disaster Risk Reduction.
Ang Diocese of Tandag ay patuloy na nakikibahagi sa mga programa na naglalayon ihanda ang publiko sa mga posibleng maganap na kalamidad kung saan kamakailan lamang ay dumalo ito sa isinagawang pagpupulong ng Caritas Manila, Radio Veritas at NASSA-Caritas Philippines kaugnay ng planong pagbuo ng Emergency Operation Plan ng Simbahang Katolika.
Magugunitang taong 2014 ng manalasa ang bagyong Seniang sa Mindanao at isa sa mga labis na naapektuhan ay ang Surigao Del Sur, ang lalawigan ng Diocese of Tandag.
Tinatayang umabot sa halos isang bilyong piso ang kabuuang halaga ng pinsala dulot ng nasabing bagyo.