218 total views
Nanawagan ang Gunless Society of the Philippines sa Simbahan partikular na sa Catholic Bishop’s Conference of the Philippines o CBCP na pangunahan ang panawagan sa Commission on Elections kaugnay sa pagtatanggal ng exemption sa ipinatutupad na Gun ban sa halip ay ipatupad ang Total Election Gun Ban ngayong panahon ng halalan.
Paliwanag ni Nandy Pacheco – founder of the Gunless Society of the Philippines, dahil sa malaking impluwensya ng Simbahan sa lipunan ay maaring makinig at muling ikonsidera ng kumisyon ang pagpapatupad sa naturang panukala.
Giit ni Pacheco, tanging sa ganitong pamamaraan lamang maaring tunay na maging epektibo ang panukala upang mabawasan ang karahasan at kaguluhan tuwing panahon ng halalan.
“para maging effective talaga ang boses ay ang buong Simbahan na papangunahan ng CBCP, ng lahat ng Obispo, pagkakaisahan ang panawagan na tanggalin ang exemption ng sinuman except lamang yung mga nasa otoridad na mga naka-uniporme saka on-duty, yan lang siguro yung magawa natin…” pahayag ni Pacheco sa Radio Veritas.
Ika-10 ng Enero ng sinimulang ipatupad ng Comelec sa pangunguna ng PNP ang Election Gun Ban at inaasahang magtatagal hanggang sa ika-8 ng Hunyo o isang buwan matapos ang halalan.
Sa kabila nito, batay sa tala umaabot na sa 1,602 ang naaresto at naitalang paglabag sa Gun Ban habang aabot na 1,194 ang nakumpiskang mga armas at iba pang uri ng firearms kabilang na ang higit 15-libong iba’t ibang deadly weapons tulad ng mga patalim, replika ng baril at maging mga granada.
Noong 2013, ayon sa PNP umabot sa 81 ang kaso ng election-related violence sa buong bansa mas mababa kumapara 176 na kaso ng karahasan kaugnay ng halalan noong 2010.
Batay sa panlipunang Katuruan ng Simbahan, ang pagpapahalaga sa kalayaan ng bawat isa sa pagpapahayag ng sariling opiyon at pagdedesisyon ay nararapat tupdin at hindi pigilan sa anu pa mang pamamaraan pagkat ito ay bahagi ng karapatang pantao ng bawat mamamayan.