322 total views
Hindi dapat supilin ang tinig ng kabataan na mahalagang bahagi ng lipunan.
Ayon kay Fr. Kunegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Youth, mahalagang mapakinggan ang pananaw ng kabataan lalu na’t para sa pagbabago at pagpapabuti ng bayan ng hindi mauuwi sa karahasan.
“Mahalagang napapakinggan ang mga tinig ng kabataan. Mahalaga din po yung kanilang punto-de-vista. At siguro nga ngayong nagdiriwang tayo ng Taon ng mga Kabataan kaugnay ng ginanap na Synod on Youth ng nakaraan sa Roma,” pahayag ni Fr. Garganta sa panayam ng Radyo Veritas.
Iginiit ng pari na sa nagdaang ‘Synod on Youth’ sa Vatican, naging panawagan ng Santo Papa Francisco sa kabataan na huwag matakot na magpahayag ng kanilang damdamin, karanasan at mga pangarap para sa hinaharap.
“Hindi natin isusubo lamang sa kanila yung mga bagay na dapat gawin kundi yung tulungan sila na ang mag bagay na gagawin ay kabahagi sila ng pinagninilayan, sa pagiisipan at bubuo ng pagpapasya ng mga bagay na may kaugnayan sa kanilang paglago bilang isang tao,” ayon sa pahayag ni Fr. Garganta sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinikayat din ni Pope Francis ang mga nakatatanda at mga pinuno ng simbahan na bigyang pagkakataong pakinggan ang kabataan lalu’t sila ang kasalukuyan at ang hinaharap hindi lamang ng simbahan kundi ng lipunan.
Hinimok naman ng Pari ang mga kabataan na makibahagi sa sibikong gawain tulad ng halalan at pumili ng pinuno ng bansa na maglilingkod sa kabutihan ng mas nakakarami.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), sa 60 milyong botante ngayong 2019- may higit sa 20 milyon ang nabibilang sa kabataan na nasa edad 18 hanggang 34.