116,424 total views
Mga Kapanalig, sa isang nakaraang editoryal tungkol sa landslide sa Davao de Oro na kumitil ng labing-isang buhay, tinanong natin: “Ilang insidente pa ng pagguho ng lupa at ilang buhay pa ang kailangang mawala bago natin tuluyang iwan ang pagmimina?”
Sa kasamaang-palad, agad itong nasundan ng isa na namang nakapanlulumong insidente ng landslide sa isang gold-mining village sa kaparehong probinsya.
Noong ika-6 ng Pebrero, gumuho ang lupa sa Barangay Masara sa bayan ng Maco matapos ang ilang linggong pag-ulan sa Mindanao. Nabaon sa lupa ang transport terminal ng Apex Mining Co. Inc. (o AMCI) para sa mga empleyado nito, pati na ang mga kalapit na bahay kung saan nakatira ang marami sa mga manggagawa. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umakyat na sa 92 katao ang iniulat na nasawi samantalang 36 pa ang nawawala. Hindi rin bababa sa 55 kabahayan ang nabaon sa lupa.
Sa kabila ng trahedyang ito—kung saan biktima ang maraming empleyado ng AMCI—patuloy pa rin ang operasyon ng mining company sa kalapit na lugar. Pahayag ng kumpanya, sila ay may “limited operations” kaya hindi nito kayang tumulong sa rescue operations na pinangungunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Davao de Oro.
Sa Pilipinas, karaniwan ang panganib ng landslide dahil sa mabundok na lupain, madalas na pag-ulan, at malawakang deforestation o pagkalbo ng mga gubat dulot ng pagkakaingin, ilegal na pagtotroso, at pagmimina. Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (o MGB), ang pagguho ng lupa sa Masara ay dulot ng natural na mga sanhi at hindi raw dahil sa mining activities sa lugar. Hindi naman naglabas ang Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ng suspension order laban sa AMCI dahil ang pagguho ng lupa ay nasa labas daw ng active mining site ng kumpanya. Kasalukuyang iniimbestigahan pa ng mga ahensya ang insidente upang alamin kung may kailangang managot.
Taóng 2008 pa nang ideklarang no-build zone ang Barangay Masara. Ito ay matapos ang sunud-sunod na pagguho ng lupa kung saan marami rin ang nasawi. Sa madaling salita, ipinagbabawal ang pagtatayo ng kahit anong istruktura sa lugar. Ngunit bakit hinayaan ng lokal na pamahalaang magtayo ng mga kabahayan at transport terminal sa mapanganib na lugar kung saan nalagay sa peligro ang buhay ng mga tao?
Sa kanyang mensahe tungkol sa pagmimina, sinabi ni Pope Francis na non-negotiable o hindi maipagpapalit na prinsipyo ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga manggagawa sa mining operations at ang pagrespeto sa karapatang pantao ng mga nasa apektadong komunidad. Sa nangyaring trahedya sa Masara, tila isinantabi ang pagbibigay ng ligtas na pasilidad, safety measures, at pagpapaunlad sa buhay ng mga manggagawa. Mas nangibabaw ang pagpapalaki ng kita ng kumpanyang pagmamay-ari ng bilyonaryong si Enrique Razon Jr, isa sa pinakamayaman sa Pilipinas. Giit ng mambabatas at kinatawan ng Gabriela party-list na si Arlene Brosas, ang malalaking negosyante lang ang yumayaman sa pagmimina samantalang ang mga tao at ang kapaligiran ang pumapasan sa mga masasamang epekto nito.
Mga Kapanalig, huwag nating tanggapin bilang natural disaster na labas sa ating kontrol ang nangyaring trahedya sa Masara. Maaaring natural ang mga hazards o panganib, ngunit hindi natural ang mga desisyong naglalagay sa buhay ng tao sa peligro. Hindi rin natural ang pagbabago ng klima na nagdudulot ng matitinding bagyo at pinalalala ng mga mapaminsalang aktibidad na katulad ng pagmimina. May pananagutan ang lokal na pamahalaan. May pananagutan ang mining company. Gaya ng ipinahihiwatig sa Kawikaan 31:9, ipanawagan natin ang paggawad ng katarungan sa mga biktima ng trahedya—sa mga buhay na nawala, sa mga patuloy na nawawala, at sa mga nawalan ng mahal sa buhay.
Sumainyo ang katotohanan.