599 total views
December 3, kapanalig, ang International Day of Persons with Disabilities. Ang naging tema ng ating obserbasyon sa araw na ito ngayong 2022 ay: Transformative Solutions for Inclusive Development: The Role of Innovation in Fueling an Accessible and Equitable World. Malamang, kapanalig, wala sa inyong radar ang araw na ito. Kadalasan, ang mga okasyong ganito ay hindi talaga mainstream – ang mga may kapansanan lamang ang karaniwang nakaka-alala. Pero sa ating bansa, baka mismong ang mga may kapansanan ay hindi alam na mayroon palang araw na inilaan para kilalanin sila at ang kanilang mga pangangailangan.
Kapanalig, isa lamang ito sa mga pangkaraniwang ehemplo ng kakulangan ng pagpaprayoridad ng ating lipunan sa mga may kapansanan o PWDs. Kadalasan, hindi natin napapansin na hindi na pala inklusibo ang ating mga gawi at patakaran sa bansa.
Base sa opisyal na datos, mga 1.44 million na tao ang disabled sa ating bayan. Pero pihadong mas marami pa ang bilang na ito. Maliban sa wala pang bagong datos sa bilang nila, marami ring mga may kapansanan ang hindi nabibilang dahil hindi sila nakikita sa ating lipunan. Nakatago sila sa mga laylayan. Maski ang LGUs o mga lokal na gobyerno ay hirap silang makita dahil higit pa sa kalahati ng bilang nila sa buong Pilipinas ay walang nakatakdang opisina para sa mga PWDs.
Ang mga PWDs kapanalig, lagi na lamang naiiwan sa prayoridad ng bayan. Kapag may krisis o sakuna, huli lagi sila. Sa trabaho at oportunidad, huli pa rin sila. Sa larangan ng edukasyon, kapanalig, kahit doon man lang, masiguro sana natin na lahat ay may access dito. Kailangang maging inclusive ang edukasyon sa ating bayan.
Kapag sinabing inclusive education, kapanalig, hindi lamang ito pagbibigay ng edukasyon sa mga may kapansanan. Nangangahulugan ito ng isang education system kung saan welcome ang lahat, sinusuportahan ang lahat, kahit sino pa sila, kahit ano pa ang kanilang abilidad o pangangailangan. Ito ay isang education system na naninigurado na ang tinuturo at mga pasilidad ng paaralan ay angkop sa mga mag-aaral. Nangangahulugan ito na lahat ng mga bata ay natuto na magkasama sa isang paaralan. Hindi hinihiwalay o sinesegrate ang may kapansanan. Pag magkasama sila, natutunan nilang hindi rin ihiwalay sa lipunan ang may kapansanan. Natutunan nilang lahat ay may karapatan.
Marami pang kailangang gawin ang ating bayan upang matiyak na inklusibo ang ating education system. Ito sana ang isa sa mga dapat unahin ng kasalukuyang administrasyon. Laliman sana natin ang ating pang-unawa sa sektor upang mas komprehensibo at inklusibo ang ating pagtugon dito.
Kapanalig, ang pamamahala sa education sector ay isang litmus test ng tunay na pagiging servant leader ng isang pinuno. Ayon nga kay Pope Francis sa kanyang mensahe para sa Global Compact on Education: education is one of the most effective ways of making our world and history more human. Education is above all a matter of love and responsibility handed down from one generation to another.
Sumainyo ang Katotohanan.