473 total views
Katatapos lang ng pasko at bagong taon, kapanalig. Kamusta na kayo? Naging magastos ba ang holiday season sa inyo?
Kapanalig, marahil hindi natin napansin na nitong nakaraang pasko, marami sa ating mga kababayan ang hindi naman halos nakapag-diwang nito. Ngayon panahon ng digital technology, marahil naging mas bulag na nga tayo sa katotohanang ito. Mas maraming mga posts ng kasiyahan o parties. Mas maraming posts ng mga regalo at handaan. Ang nakita lamang natin sa feeds natin ay ang mga posts ng mga selebrasyon ng pasko at new year ng iba ibang tao. Kadalasan, marangya at magarbo ang kanilang selebrasyon. Sa kabila ng mga posts na ito ay ang milyon-milyon din nating mga kababayan na ni pambili ng load ay wala sila. Ni pagkain, wala.
Ayon sa Listahan Survey ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit pa sa 5.6 milyong pamilyang Filipino ang dukha nitong 2022. Mas mataas pa ito sa bilang noong 2015 kung saan may 5.2 pamilyang Filipino naghihirap.
Sa gitna naman ng paghihirap na ito, mas tumataas pa ang presyo ng mga bilihin. Nitong Nobyembre 2022 lamang, naging 8% pa ang antas ng inflation sa ating bansa. Kaya nga’t mas marami ang nabigla ng panahon na ng Christmas shopping. Bitin na pala ang pambili nila.
Buksan sana natin ang ating mga mata kapanalig. Mahirap ang bayan natin, at mas marami ang naghihirap sa bayan natin ngayon. Ang mga selebrasyon na nakita mo online ay maliit na porsyento lamang ng ating populasyon–mas marami ang kaunti o halos walang naihanda nitong nakaraang holiday season.
Sana ngayong 2023, umaangat-angat na ang buhay ng maraming Filipino. Maging mas abot-kaya na sana ang mga presyo ng bilihin. Mas lumaki pa sana ang kanilang kita, sapat para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Nitong nakaraang New Year’s Day, napakaganda ng mga pahayag ni Pope Francis. Sana ay mapukaw nito ang ating mga isipan, at tulakin tayo na kumilos para sa ikaka-sulong ng bayan. Sabi niya: “Today, amid the lethargy that dulls our senses, the indifference that paralyzes our hearts and the temptation to waste time glued to a keyboard in front of a computer screen, the shepherds are summoning us to set out and get involved in our world, to dirty our hands and to do some good.”
Sumainyo ang Katotohanan.