8,976 total views
Pinaalalahanan ni Dr. Randy Joseph Castillo, concurrent officer-in-charge ng Emergency Medicine and Out Patient Department ng Lung Center of the Philippines, ang publiko huwag balewalain ang kalusugan ng baga at mga sintomas ng posibleng malubhang sakit.
Ayon kay Dr. Castillo, ang baga ang responsable sa pagdadala ng oxygen at pagtanggal ng carbon dioxide sa katawan, na kapag napabayaan, maaaring humantong sa matinding problema sa paghinga na magdudulot ng panganib sa buhay.
“Kapag mahina ang ating baga, hindi magiging sapat ang ating oxygen sa katawan. Kung walang sapat na oxygen, isang common na sintomas ay hirap sa paghinga at pagsikip ng dibdib,” ayon kay Dr. Castillo sa panayam sa programang Barangay Simbayanan.
Binigyang-diin ng dalubhasa ang pagiging mapagmatyag sa mga sintomas tulad ng ubo na tumatagal nang higit dalawang linggo, paulit-ulit na pag-ubo sa loob ng nakalipas na buwan, hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib, at pag-ubo ng dugo.
Iminungkahi ni Dr. Castillo ang regular na paggamit ng pulse oximeter para sa masukat ang oxygen saturation level ng katawan, lalo na sa mga may iniindang sakit sa baga o puso.
“Kapag walang history ng pananakit o anumang karamdaman, ang pinaka-ideal na pulse oximeter reading ay 94 percent above. Acceptable pa ang 90 plus, pero kung bumaba na ito ng less than 90, dapat magpatingin na sa doctor,” babala ni Dr. Castillo.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH), kabilang ang pneumonia, tuberculosis (TB), at lung cancer sa mga nangungunang sanhi ng pagkakasakit at pagkamatay sa bansa.
Mariin namang ipinagbabawal ni Dr. Castillo ang paninigarilyo, maging ito’y tradisyunal o e-cigarettes, dahil pareho itong nakasasama sa baga at nagdudulot ng long-term damage ang nicotine at iba pang kemikal mula sa usok.
Ayon sa DOH, humigit-kumulang 87,000 Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo.
“Sa mga sakit sa baga, maaaring hindi lang kayo ang biktima kundi pati pamilya, kaibigan, at mga kasama sa bahay,” ayon kay Dr. Castillo na tinutukoy ang epekto ng second-hand smoke.
Samantala, ibinahagi ni Dr. Castillo na handa na ang Lung Center of the Philippines para sa kauna-unahang lung transplant sa bansa ngayong taon.
Aniya, mahigpit ang screening process para sa parehong pasyente at donor upang matiyak ang matagumpay na operasyon at mabilis na paggaling.
“Ang maipagmamalaki natin ay equipped na ang Lung Center of the Philippines para sa kauna-unahang transplant sa Pilipinas… We are hoping na ngayong taon ay magagawa natin ang kauna-unahang transplant,” ayon kay Castillo.
Paalala naman ni Dr. Castillo sa publiko upang mapangalagaan ang baga ay iwasan ang paninigarilyo at second-hand smoke; magpabakuna laban sa pneumonia at flu; iwasan ang matinding polusyon at panatilihing malinis ang kapaligiran; at magpatingin agad kapag may sintomas tulad ng matagal na ubo, pananakit ng dibdib, o hirap sa paghinga
“Prevention is better than cure. Protektahan ang sarili laban sa polusyon, panatilihing maaliwalas ang paligid, at huwag balewalain ang mga sintomas,” paalala ni Dr. Castillo.