1,398 total views
Pangangalaga ng kalikasan ang isa sa mga dapat maging sandata ng mamamayan upang makaiwas sa pinsala ng kalamidad.
Ito ang paniniwala ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona kaugnay sa kanilang mga ginagawang kahandaan sa Arkidiyosesis ng Caceres na madalas na nakakaranas ng mga mapaminsalang bagyo at iba pang banta sa kalikasan.
Ayon kay Archbishop Tirona, bahagi ng kanilang disaster management and preparedness program ang pagpapataas sa kamalayan ng publiko kaugnay sa pangangalaga ng sanilikha.
Iginiit ng Arsobispo na ang suliranin sa kalamidad ay dulot din ng kapabayaan sa kalikasan na dapat maging parte ng pagpapalaganap ng edukasyon sa kahandaan sa kalamidad.
Tiniyak ni Archbishop Tirona na hindi kakaligtaan ng Simbahang Katolika ang pagtulong at pagdamay sa mga nangangailangan lalo na sa mga naapektuhan ng bagyo at iba pang banta ng kalamidad.
“Yan ang pinaka sabihin natin na bilang ng aming Social Action ‘yun Disaster Management and [preparedness] madalas kami may bagyo kaya ang aming SAC meron na siyang talagang structure para maghanda sa sakuna either sa pagtulong at sa early recovery higit sa lahat yun awareness ng mga tao na mapangalagaan ang kalikasan malaking bagay yan kasama sa pag-prepare namin sa disaster equally we want to emphasize the importance of mother nature, the gift of creation,” pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam ng Radyo Veritas 846.
Sa katatapos lamang na 40th National Social Action General Assembly 2022 na inorganisa ng Caritas Philippines, bahagi sa mga tinalakay ng mga kinatawan ng bawat Diyosesis ang mga programa kaugnay sa Disaster Response at kung paano pa ito mas mapapalago ng bawat rehiyon sa bansa.
Magugunitang batay sa pag-aaral, tinatayang nasa 20 bagyo kada taon ang pumapasok sa Pilipinas maliban pa sa banta ng mga volcanic eruption at paglindol.