428 total views
Narinig mo na ba ang kasabihan na necessity is the mother of invention? Alam mo ba ang kahulugan nito? Simple lang, kapanalig. Ibig sabihin nito ay pag may kailangan, gagawa at gagawa tayo ng ng paraan upang sapat na matugunan ang pangangailangan.
Ang pangangailangan ay mitsa din ng inobasyon. Ang mga technological advances at innovations sa ating lipunan ay mga imbensyon na tumutugon sa mga samut-saring pangangailangan sa ating mundong ginagalawan. Dahil sa pagtugon sa pangangailangan, hindi lang natin sinasalo ang mga kakulangan sa ating paligid, isinusulong din natin tungo sa kaunlaran ang ating bayan.
Ang sektor ng mga may kapansanan sa ating bansa ay nangangailangan ng maraming inobasyon ngayon. Hindi kailangang magarbo o magara, kailangan lamang nila ng pagbabago na magbibigay sa kanila ng oportunidad para sa mas malalim at aktibong partisipasyon sa lipunan.
Kapanalig, mahigit pa sa 1.44 million ang mga may kapansanan sa ating bansa. Tinatayang mas marami ang bilang na ito – maraming persons with disabilities ang hindi nasasama sa mga opisyal na bilang, at marami rin ang hindi nabibilang dahil madalang ang mga census na natatangi para sa kanilang sektor.
Kung madalang sila mabilang sa nasyonal na lebel, hirap din sila makakuha ng suporta sa mga lokal na gobyerno. Tinatayang mahigit pa sa 50% ng ating mga local governments ang walang opisina o ahensya na nakatutok sa pangangailangan ng persons with disabilities o PWDs. Napakalaking bilang nito, kahit pa mayroong batas, ang Republic Act 10070, na nagma-mandato sa mga probinsya, siyudad, at munisipalidad na isiguro ang access ng mga PWDs sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan. Kung ganito ang sitwasyon ng mga PWDs, malabo na ata magkaroon pa ng imbensyon o inobasyon na makakapagbigay sa kanila ng oportunidad sa mas aktibong pakikilahok sa lipunan.
Kapanalig, mali ang ganitong sitwasyon. Ito ay discriminatory. Ito ay mapang-alipusta. Ito ay mapang-api. Labag ito sa dignidad ng ating pagkatao, na pundasyon ng ating paniniwala bilang Kristiyanong Katoliko. Kung ating hinahayaan na kulang ang tugon ng lipunan sa mga pangangailangan ng PWDs, tayo ay humaharang sa kanilang pag-unlad. Sabi mismo sa panlipunang turo ng Simbahan: How we organize our society, in economics and politics, in law and policy, directly affects human dignity and the capacity of individuals to grow in community. Nawa’y mapukaw ng mga katagang ito ang lipunan nating salat sa pagkalinga sa mga may kapansanan.
Sumainyo ang Katotohanan.