510 total views
Hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mananampalataya na patuloy hilingin sa Mahal na Birheng Maria ang paggabay tungo sa mapayapang lipunan.
Ito ang bahagi ng mensahe ng Santo Papa sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birhen nitong August 15.
Ipinaliwanag ni Pope Francis na sa pamamagitan ng maka-inang pag-aaruga ng Birheng Maria sa kanyang anak na si Hesus ay makakamit ng mundo ang pagkakabuklod-buklod ng mamamayan.
“We continue to invoke the intercession of Our Lady so that God may give the world peace, and we pray in particular for the Ukrainian people,” ani Pope Francis.
Ikinabahala ng santo papa ang hindi pa nalulutas na sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine dahilan upang lumikas ang 12-milyong katao ng Ukraine para makaiwas sa karahasan.
Inalala rin ni Pope Francis sa kapistahan ang mga may karamdaman lalo na ang dinapuan ng sakit dulot ng pandemya na sa pamamagitan ni Maria ay makasumpong ng katatagan at kapahingang gumaling sa karamdaman.
“I wish good feast of the Assumption to lonely people and the sick, let’s not forget them,” ani ng Santo Papa.
Sa pandaigdigang datos nasa kalahating bilyong tao na ang dinapuan ng COVID-19 sa buong mundo, anim na milyon dito ang nasawi kabilang na ang 61-libong Pilipino.
Sa Pilipinas nagpapatuloy ang Healing Rosary tuwing Miyerkules sa alas nuwebe ng gabi na ginaganap sa iba’t ibang simbahan sa bansa upang hilingin sa Mahal na Birhen ang gabay laban sa nakahahawang karamdaman.
Kinilala at pisanalamatan naman ni Pope Francis ang lahat ng mga manggagawa na nagpapatuloy sa paglilingkod sa pamayanan para sa pangangailangan ng sangkatauhan.
“I think with gratitude these days of those who ensure essential services for the community. Thanks for your work for us,” saad ni Pope Francis.