1,798 total views
Naniniwala ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) na unti-unti ng gumugulong ang katarungan para sa mga biktima ng war on Drugs ng dating administrasyong Duterte.
Ito ang pahayag ni TFDP Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., kaugnay sa desisyon ng International Criminal Court’s (ICC) na tuluyan ng ipagpatuloy ang imbestigasyon sa drug war killings sa Pilipinas.
Ayon sa Pari na siya ring executive secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), bagamat ilang taon na ang nakalipas ay muli ng nabubuhayan ng pag-asa ang mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima ng war on drugs na makamit ang katarungan at mapanagot ang mga nasa likod ng marahas na kampanya ng nakalipas na administrasyon laban sa ilegal na droga.
“The wheels of justice turn ever so slowly. But it turns towards justice and accountability. The victims are not forgotten. We hope and pray that the perpetrators are made to face the consequences of their inhuman actions.” pahayag ni Fr.Buenafe.
Matatandaang batay sa pagtataya ng pamahalaan aabot lamang sa mahigit 6,000 ang nasawi sa War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte na taliwas sa datos ng mga human rights groups sa bansa kung saan naitalang aabot sa mahigit 30,000 indibidwal ang naitalang namatay.
Kaugnay nito kabilang ang Task Force Detainees of the Philippines at Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) sa mga institusyon ng Simbahang Katolika sa bansa sa bumubuo sa Technical Working Group on Human Rights na nangangasiwa sa pagbubuo ng isang human rights campaign at nakikipag-ugnayan sa UN Joint Programme on Human Rights.