197 total views
Tutukuyin ni CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mga Kongresistang patagong bumoto para makapasa sa 2nd reading ang death penalty bill sa pamamagitan ng “viva voce” o palakasan ng boses.
Ayon sa Obispo, pananagutin ng Simbahan ang mga mambabatas na ipinipilit maipasa ang parusang kamatayan dahil kailanman ay hindi katanggap-tanggap ang panukalang batas.
“Ang nakakalungkot dito, nagtatago yung mga pulitiko ayaw nilang magkaroon ng nominal voting. Pati yung nominal voting ay tinanggihan nila. Hahanapin natin yan kung sino sila at pananagutin natin yan.”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Hindi naman pinaniniwalaan ni Bishop Pabillo ang lumabas na survey na mas maraming bilang ng mga Filipino ang pabor na maisabatas muli ang parusang kamatayan.
Inihayag ng Obispo na peke o hindi totoo ang mga inilalabas na survey kaugnay sa death penalty at propaganda lamang upang lituhin ang mamamayan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na hindi dapat maging basehan ang popularidad sa pagpasa ng panukalang batas dahil buhay ng tao ang nakataya.
“Hindi ako sang-ayon sa ganyang survey. Palagay ko hindi totoo yung survey na kanilang sinasabi na karamihan ay gusto yung death penalty. At saka yung ating paninindigan ay hindi nakabase sa popularidad. Ang katotohanan, hindi magbabago sa survey, survey,” dagdag pa ng Obispo.
Dahil dito tiniyak ni Bishop Pabillo na magpapatuloy sa paglaban ang Simbahan upang tutulan ang kultura ng kamatayan na lumalaganap sa kasalukuyang administrasyon.
Binigyang-diin ni Caritas Philippines national director Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na nabahiran ng dugo ang kamay ng mga kongresistang bumoto ng yes sa pagsasabatas ng death penalty.
Read: http://www.veritas846.ph/mambabatas-na-yes-sa-death-penalty-nabahiran-ng-dugo-sa-kamay/
Iginiit naman ni CBCP-Permanent Committee on Public Affairs executive secretary Father Jerome Secillano na walang konsensiya at moralidad ang mga Kongresista na bumoto para maipasa sa ikalawang pagbasa ang reimposition ng capital punishment sa Pilipinas.
Naninindigan din ang pari na hindi solusyon ang death penalty sa pagsugpo ng krimen dahil sa “flawed at dysfunctional” na justice system sa bansa.
Bagamat aminado si Father Secillano na walang “voting power” ang Simbahan katulad ng mga mambabatas ay mayroon naman itong “moral suasion”.(Yana Villajos/Newsteam)