15,009 total views
Nagbabala si Caritas Philippines president-elect, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, na hindi maihihiwalay ang lumalalang krisis sa kalikasan ng bansa sa krisis sa moralidad ng katiwalian.
Ito ang binigyang-diin ni Bishop Alminaza sa kanyang keynote speech sa ginanap na “Laudato Si’ Summit and Festival” sa Ateneo de Manila University noong September 4,2025.
Ayon sa obispo, ang walang katwirang halagang flood control projects ay nagsisilbing bunga ng kasakiman na hindi tunay na nakakapagligtas ng buhay kundi lalo pang nagpapalubog sa kahirapan.
“Greed is not an accident; it is a choice. When those in power choose greed, the poor pay the price,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Dagdag pa ni Bishop Alminaza, ang tunay na ecological conversion ay dapat sabayan ng moral na pagbabalik-loob.
Aniya, ang katiwalian at kasinungalingan sa pamahalaan ay hindi lamang nakasisira sa tiwala ng taumbayan kundi direktang humahadlang din sa tunay na pangangalaga sa kapaligiran.
Iginiit ng obispo na ang pagiging tapat ng mga pinuno sa kanilang tungkulin ay mahalagang saligan upang matiyak na ang mga programa at proyektong inilulunsad para sa kalikasan ay tunay na nagsisilbi sa tao at hindi sa pansariling interes.
“Without honesty in governance, society cannot be honest in protecting creation,” ayon sa obispo.
Ipinunto rin ni Bishop Alminaza ang mga konkretong hakbang ng Simbahang Katolika upang isulong ang pangangalaga sa kalikasan.
Kabilang dito ang ganap na divestment mula sa coal industry, pagtanggi sa mga ‘maruruming donasyon’, panawagan para sa debt cancellation at loss-and-damage reparations, at mahigpit na pangangalaga sa Verde Island Passage, na itinuturing na biodiversity hotspot ngunit ngayo’y nanganganib dahil sa mga proyektong nakakasira ng kalikasan.
Paalala ni Bishop Alminaza na tungkulin ng bawat mamamayan at mga pinuno na ituwid ang maling pamamahala upang tunay na mapangalagaan ang kalikasan bilang nag-iisang tahanan ng lahat.