368 total views
Inanyayahan ni Manila Apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga mananamapalataya na tumugon sa panawagan ng pagkakawanggawa ngayong panahon ng Kwaresma.
Ito ang mensahe ni Bishop Pabillo na siya ring chairman, CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa paggunita ng Kwaresma at sa programang Hapag-Asa Feeding Program ng Assisi Foundation.
Ayon sa Obispo, kasabay ng pag-aayuno ay maaring ibahagi o ilaan ang maiipong halaga para makatulong sa mga nangangailangan tulad na lamang ng pagbibigay sa Hapag-Asa Feeding Program na naglalayong sugpuin ng problema ng malnutrisyon sa bansa.
“Sana mas maging matulungin din tayo sa pagtugon sa malnourishment, yan yung Fast to Feed na anong masi-save natin sa ating Fasting ibigay natin sa Hapag-Asa upang mapakain yung mga malnourished as we enter the Holy Season of Lent sana yung paghikayat natin na maging generous tayo upang makatulong sa mga taong napipilitang hindi makakain kasi walang makakain,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.
Ang Hapag-Asa Feeding Program ay kabilang sa pangunahing programa ng Pondo ng Pinoy na itinatag ni Manila Archbishop-emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004 na nangangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan at hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para sa pagtulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan.
Sa tala ng ‘The State of the World’s Children: Children, Food and Nutrition’ noong 2019, isa sa bawat tatlong batang edad limang taong gulang ang maliit para sa kanilang edad habang 7-porsyento naman ng mga kabataan ang magaan para sa kanilang dapat na timbang.
Taong 2015 naman nang inilunsad ang pagpapaigting sa mga programa ng Simbahan bilang tugon sa Zero Extreme Poverty Philippines 2030 na naglalayong matulungan ang may 1-milyong pinakamahihirap na pamilya o 5 milyong katao mula sa 350 mga piling munisipalidad sa bansa hanggang sa taong 2030. (Reynalynn Letran)