3,361 total views
Humiling ng panalangin si Capiz Archbishop Victor Bendico sa mananampalataya para sa kanyang pagpapastol sa arkidiyosesis.
Ayon sa arsobispo bagamat isang panibagong hamon ang iniatang bilang pastol ng simbahan ay mapagtatagumpayan ito sa pakikiisa at pananalangin ng nasasakupang kawan.
“Pray for me that, I may be able to carry out my duties and responsibilities entrusted to me in shepherding the archdiocese,” pahayag ni Archbishop Bendico sa Radio Veritas.
Sa anim na taong pagiging obispo ng Diocese of Baguio pinaiigting nito ang pagtupad sa tungkulin bilang pastol ng simbahan bukod sa espiritwalidad ay bahagi rin ng adbokasiya nito ang pangangalaga sa kalikasan, mga katutubo gayundin sa pantay na karapatan ng mamamayan.
Matapos ang anim na taong paninilbihan sa Baguio ay hinirang ni Pope Francis si Archbishop Bendico bilang ikaapat na arsobispo ng Capiz noong March 3, 2023.
Samantala hiling ni Archbishop Bendico sa mga opisyal ng pamahalaan ng Capiz ang pagtutulungan para sa kabutihan ng mga Capiznon.
Naniniwala ang punong pastol sa 800, 000 katoliko sa lalawigan na nararapat iisa ang hangarin ng simbahan at pamahalaan sa paglilingkod sa lipunan.
“Let us continue our close collaboration, let us work together as church and state for the sake of truth, justice, and peace for the common good of our people,” apela ni Archbishop Bendico.
Si Archbishop Bendico ay tubong Capiz na kahalili ni Cardinal Jose Advincula na itinalaga ng Santo Papa Francisco sa Archdiocese of Manila noong 2021.
Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang installation ng arsobispo kasama sina Cardinal Advincula at Cotabato Archbishop Emeritus Cardinal Orlando Quevedo.
Bukod sa mananampalataya dumalo rin sa pagtitipon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Capiz sa pangunguna ni Governor Fredenil Castro at ilang mga obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Kasalukuyang pinamahalaan ni Archbishop Bendico bilang chairman ang CBCP Episcopal Commission on Liturgy.