12,423 total views
Naglabas ng panuntunan ang Prelature of Batanes para sa pagdiriwang ng mga sakramento sa simbahan at kapilyang nasasakop ng prelatura.
Ayon kay Bishop Danilo Ulep layunin nitong magkaroon ng malinaw na liturgical guidelines at protocols lalo’t patuloy ang pagdami ng mga turistang nagtatanong ng liturgical celebrations sa prelatura.
“This is to ensure that all celebrations of the Sacraments and Sacramentals are conducted in fidelity to the norms of the Universal Church and the pastoral discipline of our local Church,” ayon kay Bishop Ulep.
Aniya dapat sundin ng mga pari ng prelatura at maging ng mga bisitang pari ang panuntunan para sa mas maayos na pagdiriwang ng mga sakramento.
Kabilang na rito ang paghingi ng kaukulang permiso sa mga kura parokong nakasasakop sa simbahan o pampubliko at pribadong kapilyang pagdarausan ng mga sakramento.
Kinakailangan ding magpakita ng valid Celebret na may lagda ng kanilang obispo at superior lalo na ang mga bisitang pari na manguna sa mga pagdiriwang alinsunod sa canonical requirements for faculties and good standing na isinasaad sa Canon 903.
Paalala rin ni Bishop Ulep na ang Sakramento ng Pag-iisang Dibdib o Kasal ay isasagawa lamang sa mga parokya at pampublikong kapilya na pinahihintulutan ng prelatura.
“The use of private chapels or other non-ecclesiastical venues for the Sacrament of Matrimony is ‘STRICTLY NOT PERMITTED,” ani Bishop Ulep.
Dagdag pa ng obispo na bukod sa Celebret ang mga bisitang pari na magkakasal ay dapat magpakita ng valid CRASM o Certificate of Registration and Authority to Solemnize Marriage mula sa Philippine Statistics Authority, Office of the Civil Registrar.
Paalala rin ni Bishop Ulep sa mga ikakasal at wedding planners and coordinators na dumalo sa orientation na ibibigay ng parokya upang matiyak na nasusunod ang wastong liturhiya sa kasal.
Dagdag pa rito, tatlong araw bago ang kasal dapat magsumite ang mga ikakasal ng detailed plan ng mga dekorasyon at kantang gagamitin maliban sa mga itinakda sa loob ng Banal na Pagdiriwang at binigyang diin na may karapatan ang parokya na kanselahin ang pagdiriwang kung bigong makapagpasa ng plano.
“Let us remain united in ensuring that our liturgical celebrations reflect the dignity and sacredness of the Sacraments and Sacramentals, while observing pastoral prudence and proper ecclesial discipline,” giit ng obispo.
Ayon sa tala ng Heritage and Tourism Office ng Batanes ngayong taon naitala ang 4,197 turistang dumalaw sa lugar habang noong 2024 nasa 13, 000 turista.
Bukod sa mga magagandang tanawin sa isla nais din isulong ng prelatura sa pangunguna ni Bishop Ulep ang faith tourism sa lugar at itampok ang mayamang pananampalataya ng mamamayan