489 total views
Mga Kapanalig, sa dami ng masasamang balitang napapanood o naririnig natin ngayon, magandang balita naman ang ating talakayin.
Nilagdaan kamakailan ni Pangulong Aquino ang isang batas na nagbibigay ng pagkakataon sa mga persons with disabilities o PWDs o mga kapatid nating may kapansanan, na ganap na matamasa ang mga benepisyong nararapat sa kanila. Sa Republic Act 7277 o Magna Carta for Disabled Persons na ipinasa noong 1992, ang mga PWDs, katulad ng mga senior citizens, ay may karapatan sa 20 porsyentong diskwento sa mga serbisyong kanilang tinatangkilik. Subalit, hindi nila talaga ito nakukuha nang buo sapagkat nagbabayad pa rin sila ng 12% value added tax.
Sa bagong batas na Republic Act 10754, inamyendahan ang Magna Carta for Disabled Persons at tinanggal na ang pagbabayad ng VAT ng mga PWDs sa mga sumusunod na serbisyo: medical, kasama ang diagnostic at laboratory fees, bayad sa doktor, at bayad sa gamot); pamasahe sa anumang uri ng transportasyon; bayad sa mga hotel, restaurants, sinehan, at mga pasyalan; pati na ang bayad sa burol at paglilibing. Napakagandang balita po nito para sa ating mga kapatid na PWDs. Pinalalawak din ng bagong batas ang mga benepisyo at pribilehiyo ng mga PWDs pati na rin ng kanilang mga pamilya. Maliban sa VAT exemption, magtatalaga rin ng mga “express lanes” sa mga commercial at public establishments upang mabigyan nang agarang serbisyo ang mga PWDs. Mayroon ding annual income tax deduction para sa kanilang mga kapamilyang nag-aalaga kanila.
Mga Kapanalig, ang pagkalinga sa mga may kapansanan ay isa sa mga mahahalagang gawaing ipinakita ni Hesus sa kanyang misyon. Sa Ebanghelyo, makikita natin na makailang beses pinagaling ng ating Panginoon ang mga taong may kapansanan. Ibinalik Niya ang paningin ng mga bulag at pandinig ng mga bingi, at pinalakad Niya ang mga lumpo, kasabay ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan. Ito’y ginawa ng Panginoon upang ipakita ang pagmamahal Niya sa mga mahihirap at naapi–kasama rito ang mga may kapansanan.
Mga Kapanalig, ito rin ang inaasahan sa atin bilang bahagi ng Simbahang Katoliko. Sa Deus Caritas Est, ang unang encyclical ni Pope Benedict XVI, sinabi niya na ang “pagmamahal sa mga balo, ulila, mga preso, mga may sakit at mga iba pang nangangailangan ay kasinghalaga sa Simbahan ng pagbibigay ng mga sakramento at pagpapalaganap ng salita ng Diyos.” Sa sinasabing bersyon ng Simbahang Katoliko ng Universal Declaration on Human Rights na pinamagatang “The Person with Disabilities: the Duties of the Civil and Ecclesial Community”, sinasabing may responsibilidad ang Simbahan, kasama tayong lahat, na isulong ang karapatan ng mga PWDs gaya ng maayos na edukasyon, proteksyon laban sa pang-aabuso, pagkakataong makalahok sa mga prosesong may epekto sa kanilang buhay, tulong pangkalusugan at rehabilitasyon, pag-alis sa mga balakid sa komunikasyon, at pagbibigay sa kanila ng tama at sapat na impormasyon upang mapabuti ang kanilang buhay.
Hindi sapat na naniniwala lang tayo na may karapatan ang mga PWDs. Kailangan nating gumawa ng mga hakbang upang tunay na makamit nila ang mga karapatang ito. Kailangan magkaroon tayo ng mas malawak na kamalayan at mas malalim na pag-unawa, at maging mas sensitibo sa mga pangangailangan at hinaing ng ating mga kapatid na may kapansanan. Ang pagpasa sa Republic Act 10754 ay isang hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas maayos na buhay para sa ating mga kapatid na PWDs. Marami pang mga polisiya at batas na kinakailangang ipatupad upang mabura na ang diskriminasyon laban sa kanila, para makamit nila ang mga serbisyong nararapat, at maisulong ang kanilang dignidad bilang tao at anak ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.