1,455 total views
LENTEN MESSAGE
Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo
Minamahal kong sambayanan ng Diyos, isang pagbati ng kapayapaan sa ngalan ng ating Panginoon.
Sa unang araw ng Marso taong kasalukuyan 2017 ay ating sisimulan ang panahon ng Kuwaresma sa pamamagitan ng tanda ng krus sa ating mga noo sa Miyerkules ng Abo.
Ito ay nagpapaalala sa atin na mga gawa ng pagsisisi sa kasalanan at pagbabagong buhay. Ang Kuwaresma ay panahon na binubuo ng apatnapu’t apat (44) na araw na pagkatapos sa misa ng huling hapunan sa Huwebes Santo.
Ito ay panahon ng pagsisisi sa kasalanan, pagsasakripisyo, pagtatakwil sa sarili, paglilinis ng kalooban, pagpapanibago, pagbabalik-loob sa Diyos at sa ating kapwa tao.
Ito rin ay panahon ng paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, ang misteryo ng kaligtasan na ating ipinagdiriwang sa Easter Tribune.
Sa Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria, at sa LInggo ng Pagkabuhay, nawa ay pagsumikapan natin, isabuhay ang diwa ng Kuwaresma.Ito pong mga araw ng paghahanda, sa biyaya ng ating Panginoong Diyos, tayo’y magpunyagi laban sa ating pagkamakasalanan, laban sa ating mga kiling at hilig sa kasamaan, laban sa ating kayabangan at kawalang-katapatan, at laban sa ating mga galit at diskriminasyon.
Sikapin din nating gumawa ng kabutihan sa kapwa sa pamamagitan ng ating malasakit at awa at gawin itong bahagi ng ating pamumuhay araw-araw. Tanggapin natin at isabuhay ang hamon ng ebanghelyo na magsisi sa kasalanan at magbagong buhay.
Nawa’y puspusin ng Panginoon ng Kanyang pagpapala itong ating paghahanda sa pagtanggap ng bagong buhay ni Kristo Hesus na muling nabuhay.