24,299 total views
Umaasa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na gawing makabuluhan ng mananampalataya ang paggunita sa mga Mahal na Araw.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa pagsimula ng Semana Santa ngayong taon na aniya’y gamiting pagkakataon para sa pagpapanibago ng sarili.
Iginiit ni Cardinal Advincula na sa mga pagninilay sa karanasan at buhay ni Hesus ay higit na mapalapit at mapalalim ang ugnayan ng tao sa Diyos.
“May this Holy Week be a transformative journey for us all. A journey leading us closer to the heart of our faith,” ani Cardinal Advincula.
Pinangunahan ng cardinal ang pagbabasbas ng mga palaspas na hudyat ng pagsisimula ng spiritual pilgrimage ng mamamayan sa mga mahahalagang araw sa buhay ni Hesus lalo na ang Paschal Triduum o ang pagpapakasakit, pagkamatay at higit sa lahat ang pinakarurok sa pananampalatayang kristiyano ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasalang nagawa ng tao ay binibigyang pagkakataon ito ng Panginoon sa pagbabalik loob dahil sa kanyang habag at awa na ipinamamalas sa sangkatauhan.
Hiling ng cardinal sa mananampalataya ang buong pusong pagsisisi at kababaang loob na aminin sa Diyos ang mga pagkakasala kasabay ng paghahayag ng kahandaang sundin ang kalooban ng Diyos.
Tinuran ni Cardinal Advincula na ang muling pagkabuhay ng manunubos ay tanda ng bagong pag-asa sa sanlibutan sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng tao ay bukod tanging si Hesus ang liwanag na magbibigay tanglaw sa bawat isa.
Hinimok ng arsobispo ang mamamayan na makibahagi sa mga mahahalagang gawain sa bawat parokya ngayong semana santa na makatutulong sa pagpapalago ng pananampalataya sa Diyos.