3,492 total views
Hinimok ng CBCP Episcopal Commission on Health Care ang publiko na makiisa sa pagdiriwang ng ika-30 World Day of the Sick ngayong ika-11 ng Pebrero taong 2022.
Ayon kay CBCP Health Care executive Secretary Rev. Fr. Dan Vincent Cancino Jr. M.I, ang Simbahang Katolika ay para sa mga maysakit at mga nagkakalinga sa mga maysakit kaya’t marapat lamang na bigyan itong halaga ng mga Katoliko lalo na sa panahon ng pandemya.
Naniniwala si Fr. Cancino na mahalaga ang pag-ibig na ating ipinapamalas sa mga may karamdaman sapagkat ito ang larawan ng Diyos na nagbibigay ng pag-asa para sa mga dumadaan sa pagsubok ng pagkakasakit.
“This a Catholic awareness day as well as a Catholic day of observant para ipagdasal natin at makibahagi sa mga panaghoy, sa mga paghihirap at pinagdadaanan ng mga kapanalig nating may karamdaman. Tandaan natin na ang Simbahan ay nakikilakbay, meron tayong paglalakbay sa panahon ng pandemya, nakikilakbay tayo sa may karamdaman at nakikilakbay tayo sa mga nangangalaga sa may sakit,” pahayag ni Fr. Cancino sa programang Caritas in Action.
“Dahil habang nakikita natin ang Diyos sa kanila hinihimok tayo na makibahagi sa misyon ng Panginoon para sa may mga karamdaman at sila din kung makita nila ang Diyos sa atin nawa makita nila ang pag-asa,” dagdag pa ng isa sa mga tagapamuno ng Camillian priests sa Pilipinas.
Umaasa si Fr. Cancino na ang diwa ng World Day of the Sick ay maging parte ng ating pang-araw araw na pananampalataya kung saan patuloy tayo makikiisa sa at mananalangin para sa mga may karamdaman at hindi sila tatalikuran ng lipunan.
“Magpakita [tayo] ng malasakit [sa kapwa] dahil ang ating Ama ay may habag at awa para sa ating lahat,” wika pa ng Pari.
Ngayong taong 2022, ang ika-30 World Day of the Sick ay may temang “Be merciful, even as your Father is merciful. – Lk. 6:36” na mismong inihayag ni Pope Francis sa Roma.
Magugunitang isa ang Simbahang Katolika sa nangungunang charitable institution sa buong mundo pagdating sa pangangalaga ng mga may sakit o karamdaman.
Taong 2019 na magsimula ang COVID-19 pandemic sa buong mundo kung saan umabot na sa mahigit 403 milyong katao ang naapektuhan.