197 total views
Umaasa si Rev. Fr. Pete Montallana lead convenor ng SILAI o Sikap – Laya Inc. na sakaling palaring manalo si Congresswoman Leni Robredo bilang Vice President magiging kakampi ito lalo na ng mga maralitang taga – lungsod.
Ayon kay Fr. Montallana matagal ng nagsusulong si Robredo ng karapatan ng mga urban poor na manirahan sa siyudad at naglalayong mabigyan ng pabahay ang mga ito.
Giit pa ng pari, isang patunay ng dedikasyon ni Robredo ay pagbibigay ng magandang urban poor resettlement project nito sa Naga City na dahilan upang mahalin siya ng mga mahihirap doon.
“Maganda, ako ay natutuwa na si Leni ay mapapasok na vice – president kasi maganda ang ginawa ng mga Robredo sa Naga, City talagang natulungan nila dun ang mga urban poor. Nung nag – attend ako ng meeting sa Congress noon pa ay nakita ko siya doon and she is very supportive sa kalagayan ng mga urban poor. Alam niyo kasi tulad sa Singapore walang mga urban poor kasi ginawan ng bahay ng gobyerno kaya naging maunlad ang urban poor kasi ang urban poor naman kailangan lang naman nila na makasimula tapos sila na ang nag – aayos ng kanilang bahay,” bahagi ng pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinimok naman nito si Robredo na pangalagaan ang mga urban poor lalo na sa pagsasakatuparan ng mga matagal na nilang panawagan ukol sa pabahay at pasahod.
“Ang mensahe ko sa kanya sana palaging niyang pangalagaan ang mga urban poor at sila yung sinasabi ni Pope Francis na marginalized sa ating lipunan. Ito ay bunga ng injustice sa ating lipunan sila yung gipit na nga sa mga sahod at gipit din kung saan talaga sila pwedeng tumira,” panawagan ni Fr. Montallana kay Robredo.
Sa datos ng National Housing Authority o NHA nasa 1.5 milyon ang informal settler families sa buong bansa at 40 porsyento dito nasa Metro Manila.
Samantala, sa huling partial and unofficial results ng bilangan as of 6:45am ngayong araw na kumakatawan sa 95.36 percent ng Election Returns nangunguna pa rin si Robredo sa bise president na may humigit kumulang 14 na milyong boto at nalampasan si Sen. Bongbong Marcos ng mahigit 200,000 boto.