233 total views
Kinilala ni dating Senador Wigberto Tanada ang mga kabataang nakikilahok sa mga pagkilos laban sa paglilibing ng mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Paliwanag ng dating mambabatas, ang pakikiisa ng mga kabataan laban sa lihim at biglaang paglilibing ng pamilya Marcos sa mga labi ng dating Pangulo ay isang postibong hakbang upang ipaglaban at itaguyod ng bagong henerasyon ang katotohanan sa kasaysayan ng bansa at maiwasan itong muling maulit pa sa hinaharap.
“Ako’y masayang masaya, nakakapagpataba ng puso na masaksihan na karamihang kabataan ngayon ay kumikilos at pinaglalaban nila yung katotohanan sa ating kasaysayan ay hindi maisantabi, maitago dahil pagnangyari yan edi naku yung mga aral na dapat na matutunan nila, matutunan natin ay patuloy nating hindi matututunan, mauunawaan…” Ang bahagi ng pahayag ni Former Senator Wigberto Tanada sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nga nito, Biyernes ika-25 ng Nobyembre ng nagsagawa ng malawakang kilos protesta ang iba’t ibang grupo at institusyon sa buong bansa upang magpahayag ng pagkundina sa ginawang lihim paghihimlay sa mga labi ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, 10-araw lamang ang nakalilipas mula ng ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito noong ika-8 ng Nobyembre.
Sa tala, tinatayang umabot sa 20,000 indibidwal ang nakiisa sa isinagawang “Black Friday Protest o National Day of Unity and Rage” na karamihan ay pawang mga estudyante, youth groups at mga biktima ng Martial Law kasama ang kanilang mga kaanak.
Kaugnay nito, nauna na ngang iginiit ng CBCP na hindi tamang bigyang parangal at ituring na bayani ang dating Pangulong Marcos dahil sa malaking kapinsalaang idinulot ng kanyang Administrasyon sa buong bayan partikular na ang mga paglabag sa karapatang pantao at katiwalian sa kaban ng bayan.